041016_mark-anthony-fernandez_02-copy

Naaresto ng pulisya ang aktor na si Mark Anthony Fernandez matapos makumpiskahan ng isang kilong marijuana makaraang maharang sa checkpoint sa McArthur Highway sa Barangay Birhen Delos Remedios, Angeles City, Pampanga, nitong Lunes ng gabi.

Kasabay nito sinampahan kahapon ng mga kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 15 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) sa Angeles City ang aktor.

Ayon kay Chief Insp. Francisco Guevara Jr., dakong 8:30 ng gabi nang naharang ng mga tauhan ng Angeles City Police Office (ACPO)-Station 6 ang dating matinee idol, sakay sa dilaw na Ford Mustang, sa checkpoint sa lugar.

Human-Interest

LABUBudol? Mga artistang nahumaling sa 'Labubu craze!'

Nakuha mula sa Mustang ni Fernandez ang isang kilo ng marijuana, na nagkakahalaga ng P15,000.

Sinabi ni Fernandez sa imbestigador na ang marijuana ay ginagamit niyang gamot sa cancer prevention, at ang nasamsam mula sa kanya ay supply niya sa loob ng isang taon.

Si Fernandez, na anak ng namayapang si Rudy Fernandez sa dating kinakasamang si Alma Moreno, ay dati nang nasangkot sa ilegal na droga at kusang pumasok sa Bicutan Rehabilitation Center noong 2004.

Matatandaang lung cancer ang ikinamatay ni Rudy noong 2008.

Nakapiit ngayon ang aktor sa himpilan ng ACPO-Station 6. (FER TABOY)