Patay ang tatlong umano’y sangkot sa ilegal na droga matapos pagbabarilin ng mga suspek na sakay sa motorsiklo sa magkahiwalay na insidente sa Taguig City at Parañaque.
Natagpuang naliligo sa sariling dugo at kapwa wala nang buhay sina Modriae Kamid at Dipatuan Sayutin, kapwa nasa drug watchlist ng pulisya, na pinagbabaril umano ng riding-in-tandem sa Taguig, kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat kay Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) Chief, Supt. Jenny Tecson ng Taguig City Police, dakong 2:45 ng umaga nang natagpuan ang dalawang bangkay sa Tanyag Road, Zone 6 sa South Signal.
Batay sa report, narinig pa ng ilang residente ang pagsigaw ng mga armadong suspek, na sakay sa mga motorsiklong walang plaka, sa dalawang biktima na tumakbo na, hanggang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril.
Sa Parañaque, pinagbabaril hanggang sa mapatay nitong Linggo ng gabi ng apat na hindi kilalang salarin na nakasuot ng maskara at sakay sa motorsiklo si Samuel Alas, Jr., alyas “Boboy Pilay”, nasa hustong gulang, binata, ng Bgy. Baclaran.
Sa ulat na natanggap ni Parañaque City Police chief, Senior Supt. Jose Carumba, dakong 11:45 ng gabi nang nangyari ang pamamaril sa panulukan ng Bagong Sikat at E. Rodriguez Streets sa Bgy Baclaran. (Bella Gamotea)