NGAYONG araw, Oktubre 3, 2016, ipinagdiriwang ang ika-30 selebrasyon ng World Habitat Day, na may temang “Housing at the Center” at nakatuon sa kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na kabahayan sa mga lungsod. Unang ipinagdiwang noong 1986 ng United Nations (UN), taun-taong ipinagdiriwang ang World Habitat Day tuwing unang Lunes ng Oktubre upang pagnilayan ang lagay ng tirahan ng mga tao, kilalanin ang karapatan ng mga tao sa sapat na tirahan, at himukin ang pagkilos ng kinauukulan para matuldukan ang kahirapan sa pabahay.
Milyun-milyong tao sa mundo ang walang lugar na matitirahan dahil sa lumulobong populasyon habang mas mahaba na ngayon ang buhay ng tao. Ngayon, 1.6 bilyong tao ang nakatira sa hindi maayos na bahay sa mundo; isang bilyon sa kanila ang nakatira sa mga informal settlement, at halos isa sa limang tao sa mundo ang namuhay sa sitwasyong nakasasama sa kanilang kalusugan, kaligtasan, kasaganaan, at mga oportunidad. Araw-araw, habang may mga ipinanganganak o may mga taong lumilipat sa sentro ng mga lungsod para maghanap ng mga oportunidad, patuloy na lumalaki ang pangangailangan sa pabahay. Sa buong mundo, isang bilyong bagong bahay ang kinakailangan pagsapit ng 2025 para patirahin ang 50 milyong bagong titira sa lungsod kada taon. Sa 2030, tinaya ng UN na karagdagang tatlong bilyong tao o 40 porsiyento ng populasyon ng mundo ang mangangailangan ng tirahan, at sa 2050, 70% ng populasyon ng mundo ang maaaring nakatira sa mga urban area, na posibleng magpalala at magparami sa mga nakatira sa lugar ng squatter.
Mahalaga ang pagkakaroon ng sapat at abot-kayang tahanan para mapabuti ang mga oportunidad, kalusugan, edukasyon, at mapatigil ang pag-iral ng kahirapan; mahalaga ito para sa kalusugan o lagay ng mga ekonomiya ng mundo, komunidad, at populasyon. Sa kawalan ng ligtas na tirahan, ang mga indibiduwal ay mas may kakaunting tsansa na maging malusog, may magandang edukasyon, at may mas kakaunting oportunidad sa trabaho na makapagpapabuti sa kanilang buhay. Ang magandang pabahay ay nakaaakit ng pamumuhunan at pagsulong ng ekonomiya.
Maraming bansa, kabilang ang Pilipinas, ang mayroong mga programa na sumusuri sa problema ng mabilis na urbanisasyon at epekto nito sa kapaligiran at kahirapan. Tumutulong ang Habitat for Humanity-Philippines sa gobyerno at sa pribadong sektor sa paglalaan ng disente at abot-kayang pabahay sa mga pamilya na may kakaunting kita. Itinatag noong 1988, kaanib nito ang Habitat for Humanity International; nakapagtayo na ng 32,000 bahay ang 120,000 volunteer at partner nito sa buong bansa at nakapagkumpuni ng mga bahay ng 60,000 pamilya. Naniniwala ang Habitat for Humanity International, sa pagtatrabaho nito sa 70 bansa at sa pagkakaroon nito ng dalawang milyong volunteer, sa kahalagahan ng sapat na pabahay para sa pagbabago ng buhay.
Hangad ng World Habitat Day 2016 na magdebelop ng mga bagay para isulong ang access sa pabahay ng mahihirap at walang kakayahan; mapabuti ang pagkakaisa ng komunidad at kaligtasan ng mamamayan sa tulong ng mga programa na ginaganap sa mga pampublikong lugar at lansangan; magbigay ng kontribusyon sa mga usaping para sa polisiya na nakatuon sa pagpapalawak ng mga kondisyon na maiuugnay sa sapat na pabahay; matukoy ang mga pangunahing stakeholder at maisama sila sa diskusyon na nagkakaloob ng mga solusyon sa sustainable development. Simula noong 1989, nagbibigay ang UN ng “Habitat Scroll of Honour” human settlements award para gawaran ang namumukod-tanging kontribusyon sa larangan ng paglalaan ng tahanan, pangunguna sa rehabilitasyon ng mga nagulong lugar, at pagpapabuti sa kalidad ng buhay sa lungsod.