BELGRADE (AFP) – Nasamsam ng Serbian customs officials noong Biyernes ang kalahating toneladang cake na ipinuslit mula sa Bulgaria.
Natagpuan ang 137 kahon ng iba’t ibang uri ng cake sa isang bus na nagmula sa Bulgaria patungong Spain.
Kahit na ang dalawang bansa ay kasapi ng EU, dadaan ang ruta ng sasakyan sa non-EU member na Serbia kaya kailangang ideklara ang sugary cargo nito.
“In total there were 500 kilograms of the dessert, without any documentation,” sabi ng Serbian customs authorities.
Sinabi ng drayber at mga pasahero na wala silang idedeklara maliban sa kanilang mga sariling gamit, mga pagkain at gulay. Ngunit nang halughugin ang bus sa Gradina border crossing ay natuklasan na puno ito ng kahon ng cake, hanggang sa toilet cabin.