IPINAGDIRIWANG ng Department of Justice (DoJ) ang ika-119 na anibersaryo nito ngayong Setyembre 26. Pinamumunuan ni Secretary Vitaliano N. Aguirre II, ang DoJ ang pangunahing ahensiyang pangbatas ng gobyerno, nagsisilbing sangay ng prosekusyon at pinangangasiwaan ang criminal justice system sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga krimen, nililitis ang mga may sala, at ipinatutupad ang sistema ng pagpaparusa at pagwawasto. Ang motto nito ay Justitiae, Pax, Opus (Justice, Peace, Work).
Kinakatawan ng DoJ ang gobyerno sa mga paglilitis at iba pang prosesong legal; nagpapatupad ng mga batas tungkol sa pagtanggap at pagpapahintulot na manatili ang mga dayuhan sa bansa; at nagkakaloob ng libreng serbisyong legal sa mahihirap na Pilipino. Determinado itong magbigay sa bawat Pilipino ng patas na pagkakataon para sa hustisya, tiyaking napoprotektahan ang mga karapatang nakabatay sa Konstitusyon, at sinisigurong walang sinuman sa bansa ang napagkakaitan ng tamang proseso sa pagpapatupad ng batas. Isinusulong nito ang pangunahing misyon “to uphold the rule of law” at ipatupad ang mga batas sa pagpaparusa sa krimen, sa pambansang seguridad, at sa kapakanan ng lipunan.
Kaakibat nito ang mga ahensiyang National Bureau of Investigation (NBI), ang Bureau of Immigration (BI), ang Public Attorney’s Office (PAO), ang Office of Solicitor General (OSG), ang Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), ang Bureau of Corrections (BuCor), ang Parole and Probation Administration (PPA), ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) at ang Land Registration Authority (LRA). Nagsasagawa ng pagsisiyasat ang NBI, habang ang BuCor, BPP, at PPA ang nangangasiwa sa probation at correction system. Kinakatawan naman ng OSC at OGCC ang gobyerno sa mga litigasyon. Ang BI ang nagpapatupad ng mga batas sa pagtanggap at pagpapanatili sa bansa ng mga dayuhan. Ang PAO naman ang nagkakaloob ng libreng ayudang legal sa mahihirap.
Ang mga prosecutor, na nakatalaga sa lahat ng rehiyon, lalawigan at lungsod, ang nagpapatupad sa mga programa ng DoJ—espesyal na proteksiyon sa mga bata at sa mga testigo, pagbibigay ng kompensasyon sa mga biktima, kapakanan at hustisya para sa kabataan, justice system infrastructure, at makabagong teknolohiya para sa mas mahusay, epektibo at patas na serbisyo. Kumikilos ang DoJ Action Center, na itinatag sa iba’t ibang bahagi ng bansa at pinangangasiwaan ng mga abogado at mga paralegal officer, para umaksiyon sa mga reklamo, sa hiling na ayudang legal at sa anumang katanungan ng mga kliyente.
Ang DoJ ay ang Department of Grace and Justice na itinatag ng Revolutionary Assembly sa Naic, Cavite, noong Abril 17, 1887. Matapos na ideklara ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898, muling itinatag ni Heneral Emilio F. Aguinaldo ang DoJ noong Setyembre 26, 1898. Itinatag naman ng mga Amerikano ang Office of Attorney General noong Hunyo 11, 1901, at ang Department of Finance and Justice noong Setyembre 1, 1901. Matapos ang balasahan sa gobyerno noong 1916, naging hiwalay na sangay ang DoJ, pinangangasiwaan ang lahat ng korte sa unang yugto ng kaso at ang mabababang hukuman. Naging ministeryo ito noong panahon ng Hapon taong 1943. Muli namang naging aktibo ang DoJ, sa utos ng Commonwealth, noong 1945, at isinailalim ito sa Republika ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946. At sa bisa ng 1973 Constitution at pag-iral ng batas militar ay muli itong naging ministeryo. Ang pangkalahatang pangangasiwa sa lahat ng korte ay inilipat mula sa ministeryo patungo sa Korte Suprema. Naging aktibo sa tungkulin ang ministeryo pagkatapos ng 1986 EDSA Revolution at pinagtibay na rin ang Freedom Constitution.
Sa bisa ng 1987 Constitution at 1987 Administrative Code (Executive Order 292) ay muling naitatag ang DoJ bilang pangunahing ahensiya sa batas.