BUTUAN CITY – Susuportahan ng gobyerno ang mga mag-anak na ang padre de pamilya ay sumuko sa awtoridad o kaya naman ay napatay sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Sa pahayag na inilabas ng regional office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dito nitong Biyernes, sinabi ng kagawaran na may mga programa at serbisyo para sa mga asawa at mga anak na apektado sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga.

“We offer livelihood and protective support for the families whose head of households were slain and for orphaned children, the DSWD provides educational support so that they will not be forced to become out-of-school youths,” sabi ni DSWD Undersecretary for Protective Services Program (PSP) Vilma B. Cabrera.

Aniya, magkakaloob ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng kagawaran, katuwang ang mga pribadong institusyon, ng mga training program na huhubog sa mga partisipante nito upang maging kapaki-pakinabang at may regular na pagkakakitaan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi pa ni Cabrera na magbibigay ang DSWD ng agarang ayudang pinansiyal sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng Crisis Intervention Unit (CIU) nito, na nag-aalok ng libreng libing, gamutan at tulong sa edukasyon at transportasyon.

Binigyang-diin din ni Cabrera na ang mga programang ito ay hindi lamang para sa mga pamilyang naapektuhan ng kampanya kontra droga, kundi uubra rin sa mga kuwalipikadong mahihirap na pamilya.

Para sa mga dating adik, pangungunahan din ng DSWD ang recovery at reintegration phase na magkakaloob ng gamutang medikal at kabuhayan para sa mga pagaling na at nais magsimulang muli sa buhay, ayon kay Cabrera.

“We have trained social workers and psychologists to help provide counselling and necessary foster care for the children who were able to witness the death of their parent or any relative,” dagdag pa ni Cabrera.

Kasabay nito, nilinaw ni Cabrera na hindi pa saklaw ng budget ng DSWD para sa 2017 ang pondo para sa mga programang may kaugnayan sa kampanya kontra droga, dahil naisumite na ang budget ng kagawaran sa Department of Budget and Management (DBM) bago pa umigting ang anti-drugs campaign.

Gayunman, humiling na ang DSWD ng special funding para rito, partikular na para sa suporta at rehabilitasyon ng mga apektado, ayon kay Cabrera. (MIKE U. CRISMUNDO)