SA paningin ng iba ay basura at tambak lamang sa likod-bahay ang mga lumang diyaryo. Subalit para sa kababaihan sa Ibaan, Batangas, malaking potensiyal para pagkakitaan ito pati na ang lumang magazines, brochures, at iba pa.
Nagbibigay ng libreng pagsasanay ang Ibaan Rosy Livelihood Association (IRLA) sa kababaihan sa paggawa ng de-kalidad na mga bag, jewelries, accessories, pot holder, trays, basket, at iba pa.
Ayon kay Marison Magpantay, chairwoman ng IRLA, nagsimula nitong nakaraang Hunyo pa lamang ang kanilang training na pinondohan ni Gng. Rosalie Salvame, mula sa pamilyang nagmamay-ari ng Ibaan Electric and Engineering Corporation (IEEC).
May 44 na nagsipagtapos sa pagsasanay na pinangunahan ng trainers na may akreditasyon mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Natutuhan nila ang basic procedures sa paggawa ng mga bag at accessories mula sa pagrorolyo ng lumang diyaryo gamit ang tingting o baloon sticks, paglala at pagpipintura.
Nagsasagawa na rin ng libreng training ang grupo sa mga barangay para mahikayat ang kababaihan na maging produktibo para makatulong sa pang-araw araw na gastusin ng pamilya kahit nasa bahay lamang. Naunang naglunsad ng pagsasanay sa Barangay Talaibon kasunod ang Salaban, Quilo Coliat hanggang sa maikot ang 26 na barangay.
Mayroon din silang training center o tinatawag nilang ‘kubo’ sa loob ng compound ng Metro-Rei Business Park sa Barangay Palindan.
Ayon kay Magpantay, may libreng sakay para sa mga manggagaling sa bayan patungo sa kanilang training center. Maaaring makisabay sa service ng mga empleyado ng IEEC ang mga nais mag-training sa kanilang kubo sa umaga at sa hapon. Ang service ay naghihintay hanggang 7:45 ng umaga sa simbahan ng kabayanan at babalik naman pagdating ng 5:00 ng hapon.
Ang kababaihan na maraming gawain sa bahay ay maaaring pumili ng oras na magaan para sa kanila. Maaari rin silang mag-isip at gumawa ng kanilang sariling mga disenyo at bukas ang training center para i-display ang kanilang gawa.
“May mga pumupunta dito sa training center na namimili, madalas ‘yung mga nagbabayad ng kuryente napapadaan sila dito, kapag nagustuhan nila at nabenta ‘yung produkto, 80 percent sa gumawa ‘tapos ‘yung 20 percent sa training center napupunta,” ayon kay Magpantay.
Kung walang pambili ng materyales, maaaring humiram sa training center ang mga miyembro at kapag nabenta ang produkto ay maaari nila itong bayaran nang unti-unti.
Ipinangreregalo ng kanilang mga kliyente ang mga bag at accessories. Ginagawan rin itong give-aways sa iba’t ibang okasyon tulad ng kasal, binyag, seminars, at iba pa.
EXPORT QUALITY
Marami sa kanilang kustomer ay mga balikbayan na omoorder ng marami para gawing pasalubong pagbalik sa ibang bansa. Ibinabagsak sa mga miyembro ang mga order at nagagawa nila ito kahit nasa bahay.
Pinagtutulungan ng mga miyembro na matapos ang order sa ibinigay na deadline.
Nakarating na ang kanilang mga produkto sa mga bansang United Kingdom, United States of America, Canada at sa mga bansa sa Asya tulad ng Korea.
“Bukod sa ipinapasalubong nila sa mga kapamilya at mga kaibigan, gusto rin nilang tumulong para mai-promote ang produkto namin,” ayon pa kay Magpantay.
Sa tulong ng social media, may mga umoorder na rin sa kanila ng maramihan. Pinaghahandaan nila ang bultuhang order ngayong sasapit na ang Kapaskuhan.
Sa murang presyo mula P150-P250 sa bags, P30-P100 sa accesories, may de-kalidad na produkto ka na ay nakatulong ka pa sa kababaihan ng Ibaan sa pagbili sa kanilang recycled products.
TULONG SA KABABAIHAN
Isa si Sheryl Sevilla, 23 anyos, sa naniniwalang malaki ang potensiyal ng mga ginagawa niyang produkto mula sa lumang diyaryo.
Simula nang mawalan ng trabaho bilang sekretarya ng isang kompanya, sa bahay na lamang tumigil si Sheryl para alagaan ang kanyang nag-iisang anak.
“Noon po walang halaga sa akin ‘yung mga lumang diyaryo pero no’ng napasama ako sa IRLA at naka-attend ako ng training, nakita ko na ang mga basura palang ito ay p’wedeng pakinabangan,” kuwento ng batang ginang.
Naging bonding naman ng pamilya ni Gng. Josielyn Pajanilan ang paggawa ng jewelry accessories. Nakakatulong kasi niya ang kanyang dalawang anak sa paggawa nito kapag walang pasok sa eskuwela.
Bukod sa nagiging abala sa malayang oras ang mga anak, nagiging extra income din ito sa kanyang pamilya.
“Baka dine na kami yayaman,” nakangiting sabi ng ginang sa puntong Batangueño.
KABUHAYAN SA DRUG DEPENDENTS, SENIOR CITIZENS AT PWDs
Plano ng IRLA na maging programang pangkabuhayan din ang paggawa ng recycled products para sa mga sumukong drug dependents alinsunod sa programang Oplan Tokhang ng pamahalaan.
Kailangan lamang na may akreditasyon mula sa Department of Health (DOH) at rehabilitation centers para siguraduhing nasa maayos na ang kondisyon ng mga ito.
Paraan umano ito upang maiwasan na makapanakit o makagulo sa organisasyon ang sinumang drug dependent na nagnanais sumailalim sa pagsasanay.
Bukod sa pangkabuhayan, magsisilbi rin itong therapy sa mga dating gumagamit ng bawal na gamot upang maging abala ang kanilang oras sa kapakipa-kinabang na gawain.
Magandang oportunidad din ito sa senior citizens, mga retiradong empleyado, mga may kapansanan o persons with disabilities (PWDs) upang masuportahan ang kanilang mga pangangailangan.
SIPAG AT TIYAGA
Aminado si Magpantay na hindi agad-agarang makikita ang malaking income sa kanilang proyekto. Subalit kung ito ay pagtitiyagaan at seseryosohin, malaki ang posibilidad na umasenso ang bawat indibidwal na makikilahok sa kanilang programa.
“Ang pinakamahalaga dito ‘yung sipag, tiyaga at commitment, always positive lang, lahat talaga mahirap sa simula,” paliwanag niya.
Hindi aniya dapat asahan ang mabilis na pagkita at sa halip ay magpokus sa mahabang panahon na pangkabuhayan.
Sa kasalukuyan ay may 61 nang miyembro ng IRLA at plano na nila itong irehistro sa concerned agencies para mas marami pa ang kanilang matulungan.
“Sana marami pa kaming matulungan at maging sustainable livelihood ito sa mga Ibaeños,” sabi pa ni Magpantay.