Ni ADOR SALUTA

Arci Muñoz
Arci Muñoz
SINUBOK at hinasa muna ng panahon si Arci Muñoz bago niya naabot ang stardom.

Halos labing-isang taon na nagbaka-sakali si Arci para maihanay sa iilan nating magagaling na aktres, pero naging mailap ang kasikatan sa kanya noon. Masasabing ang paglipat niya sa ABS-CBN ang naging susi sa mga tagumpay na kanyang tinatamasa sa ngayon. Simula nang maging Kapamilya noong 2014, kaliwa’t kanan na ang dumarating na biyaya sa aktres.

Unang napansin si Arci sa seryeng Pasion de Amor, hanggang sa ipagkaloob sa kanya ng Star Cinema ang pagbibida sa Always Be My Maybe katambal ni Gerald Anderson. Ang box-office success ng Always.... ay nasundan agad ng Camp Sawi na handog naman ng Viva.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Ngayon ay isa na namang bagong proyekto ang nakaatang sa balikat ng aktres, ang bagong Kapamilya primetime seryeng Magpahanggang Wakas na premiere airing na ngayong gabi.

Sa lahat ng tinatamasang tagumpay, may pakiwari si Arcie na ginagabayan siya ng kanyang yumaong ama. Kaya lahat ng kanyang tagumpay ay iniaalay din niya sa amang pumanaw nitong nakaraang Pebrero.

“I’m just really, really thankful for everything. And I believe na everything that’s happening to me right now, parang si Papa gina-guide niya ako. He just passed last February when I was doing Always Be My Maybe and then after that, ang ganda ng takbo ng lahat, so feeling ko, alam ko, nararamdaman ko na gina-guide niya ako and I’m really, really thankful.”

Sa lampas isang dekadang paghihintay para magkaroon ng big break, hindi siya nainip at lalong hindi siya nagreklamo.

“Alam ko si Lord pini-prepare niya lang ako sa tagal ng hinintay ko. Ano ko lang ‘yun, journey ko lang para mas maging mabuti ako sa craft ko. So I’m really, really thankful. I have no words talaga.”

Sa Magpahanggang Wakas, gagampanan ni Arci ang karakter ni Aryann, isang simpleng probinsiyana na mai-in love kay Waldo (Jericho Rosales). Magiging third wheel sa serye si John Estrada who will play the role of Tristan, ang lalaking nakatakdang maging asawa niya.

Dream come true for Arci na makatrabaho si Jericho na inilarawan niya bilang very good actor na nag-inspire sa kanya na lalo pang pagbutihin ang pagganap.

“Siya yata ang pinaka-humble na artista nakatrabaho ko. Sobrang humble, sobrang galing,” ani Arci.