Isinasaayos ni Pangulong Duterte pagkakaroon ng napakaraming spokespersons na nagsasalita para sa panguluhan.
Upang maiwasan ang kalituhan sa mga opisyal na pahayag, sinabi ng Malacañang na si Presidential Spokesman Ernesto Abella lamang ang opisyal na awtorisadong magsalita sa ngalan ni Pangulong Duterte.
Kung wala si Abella, si Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang magsisilbing alternatibong spokesman ng presidente.
“I appealed to the Cabinet secretaries to follow the standard operating procedure which was agreed upon right from day one, July 1 of 2016 – that it is only indeed Secretary Abella who can speak on behalf of the President,” sinabi ni Andanar sa isang press conference sa Palasyo kahapon.
Inamin ni Andanar na ipinaalam niya sa presidente ang tungkol sa magulong komunikasyon kamakailan na nagresulta sa magkakaibang pahayag mula sa mga opisyal ng gobyerno. Sinabi niya na pumayag ang presidente na ang Presidential Communications Office ang ahensiyang mangunguna sa paglalabas ng anumang pahayag mula sa kanyang opisina.
“I asked the President to order that all questions that are asked about clarificatory pronouncements be directed first to the Presidential Communications Office. And it is only then that the Presidential Communications Office shall decide who among the secretaries or members of the Cabinet can comprehensively explain a presidential pronouncement that needs clarification,” sabi ni Andanar.
Pinuna kamakailan ang communication team ng Palasyo sa pag-iisyu ng nakalilitong mga paliwanag sa mga kontrobersiyal na pahayag ng pangulo kamakailan.
Magkakaiba rin ang pahayag ng tagapagsalita ng presidente at ng mga miyembro ng Gabinete hinggil sa pananaw ng presidente sa kapalaran ng drug convict na si Mary Jane Veloso, at sa pullout ng mga sundalong Amerikano sa Mindanao.
(Genalyn D. Kabiling)