STA. ROSA, Laguna – Tatlong hinihinalang carnapper ang napatay sa engkuwentro sa mga tauhan ng Laguna Police Provincial Office (PPO) at Highway Patrol Group kahapon ng madaling araw, Barangay Tagapo sa siyudad na ito.

Sinabi ni Laguna PPO Director Senior Supt. Joel C. Pernito na hindi pa nakikilala ang mga suspek, na kasalukuyang nakalagak ang mga labi sa John Paul Funeral Parlor.

Dakong 1:29 ng umaga at nagsasagawa ng Oplan Sita ang grupo ni Supt. Giovanni Martinez katuwang ang HPG-Task Force Limbas nang mangyari ang bakbakan sa mga hinihinalang carjacker.

Ayon sa mga report, namataan ng Mobile Patrol 153 ang kahina-hinalang Toyota Altis (EBE-962) kaya hinarang ito ng mga pulis ngunit humarurot papatakas ang sasakyan kaya hinabol ito ng mga awtoridad.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Nang makorner sa Dictado Road sa Tagapo National Highway ay nagpaputok umano ang mga suspek kaya gumanti ang mga pulis.

Narekober sa crime scene ang iba’t ibang baril, 21 sachet ng hinihinalang shabu, mga bala at mga basyo ng iba’t ibang bala, dalawang police athletic uniform at dalawang police bull cap. (Danny J. Estacio)