freshmen_2a-copy

TATLONG taon na sa music industry ang Freshmen boy band na binubuo nina Deric Garnale, Levy Montilla, Patrick Abeleda, Sam Ayson at Third Casas pero nitong nakaraang linggo lang sila nakatikim ng presscon dahil magkakaroon na sila ng major concert sa Music Museum sa Setyembre 30, titled 3logy (Third Anniversary of Freshmen). 

Kaya naman abut-abot ang pasasalamat nila kay Vicky Solis na producer ng kanilang benefit show para sa HOPE (Helping One Person Everyday) Movement.

Taong 2013 sila binuo ng manager nilang si Mr. Bobby Nazareno ng PasParagon Talent Management Agency. At kahit hindi pa gaanong kilala sa mainstream ang Freshmen, patok sa YouTube ang una nilang single na Bumalik Ka Na at umabot sa Top 5 sa 95.5 FM at naging number 1 at 2 sa daily hit list ng April to May 2014.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Dahil din sa hit song nilang ito, nakatanggap sila ng awards at citations:

2016 – Ten Outstanding Movers of the Philippines (TOMP) from SAVE ME Movement Boracay.

2015 – Outstanding MTV Breakthrough, AFP Theater

2015 – Youth for UNESCO Ambassador, UST

2015 – Movers for H.O.P.E (Help One Person Everyday)

2015 - #2 of the top 5 Music videos of 2015, Letters and Music, Net 21 (1st Alden, 4th Sarah G, 5th Darren Espanto)

2014 – Asian Outstanding Boy Band, Asian Entertainment Awards – Baguio City

2013 – Most Outstanding Boy Band Gawad Dangal Musica – AFP Theater

2013 – Most Promising Boy Band, Teen Choice Philippines AFP Theater.

Nakapag-guest na rin ang Freshmen sa ASAP, It’s Showtime, Walang Tulugan, SpinNation, Letters and Music ng Net5, Personage ng PTV4, Morning Boss ng PTV4 uli at sa 95.5 FM, MOR, Radio ng Bayan, DZME, DZMM at DZRH.

Kuwento ng producer ng show, nakilala niya ang Freshmen sa The Crowd Bar and Resto sa Pioneer Street, Mandaluyong na may regular silang gig simula pa noong Mayo 2014.

“Una ko silang inimbitahan sa mga medical mission ko at wala silang angal at gustung-gusto nilang mag-perform sa mga kababayan natin sa malalayong lugar.

“Ilang beses ko na silang naisama sa bundok at wala silang angal, kaya natuwa ako kasi itong mga batang ito mababait at walang reklamo maski na saan mo sila dalhin.

“Kaya in return, gusto ko silang tulungan din by way of producing shows for them at lahat ng kikitain sa show goes to the project of HOPE foundation like Healing on Wheels, Food on Wheels, Home on Wheels, Justice on Wheels, Livelihood on Wheels, Workshop at Out of School youth Scholars of BIKE for the Philippines.”

Pabor din ang limang miyembro ng Freshmen na hindi muna sila nag-concert noong unang taon pa lang nila sa industriya.

“We believe na hindi pa time kasi kung nag-concert na po kami before siguro flop siya kasi we’re not yet ready to perform well. We believe this is the right time po kasi hasang-hasa na kami at ito na rin ang prinepare ni Lord,” nagkakaisang pananaw ng Freshmen.

Tinanong sa presscon ang manager ng grupo kung may age limit ba ang miyembro ng Freshmen dahil nga sa pangalan na kailangang manatiling fresh o mga bagets, kaya papalitan or forever na ba silang lima?

“More of a forever as much as possible,” sagot ni Mr. Nazareno.

Wala siyang planong magdagdag o magpalit ng miyembro dahil mahirap uling magturo o baka hindi magkakasundo, kaya mananatiling Freshmen ang Freshmen at wala ring planong baguhin ang pangalan ng grupo.

May lulugaran pa ba ang boy band lalo na ngayong may search for Pinoy Boyband Superstar ang ABS-CBN?

“Yes, yes of course po. Kasi kaming mga boy band naniniwala sa talent namin at kung naniniwala ka, there’s always a room for us.

“At mas maganda kung dadami ang boy band as long as suportado ng fans like in Korea ang dami-dami nila, pero suportado sila ng fans nila,” say ng grupo.

Ang nakakatuwa, kahit abala sa regular gigs ang Freshmen ay priority pa rin nila ang pag-aaral. Si Patrick ay second year sa San Beda (Marketing Management); si Sam ay second year din sa MINT International School (Graphic Arts); si Derick, second year sa Manila Tytana College o dating Manila Doctors College (Masscom); si Levy, second year sa Centro Escolar University (BS Tourism) at si Third ay undergraduate sa Aquinas University, Legaspi Bicol (Business Administration).

Tiyak na matutuwa ang supporters nila sa pagpasok sa mainstream ng Freshmen. Magkita-kita tayo sa Music Museum sa Setyembre 30, Friday, 8 PM, with their special guests, Sue Ramirez at Garth Garcia of MOR (Singer of the Year) at Maneuvers.

Ang 3logy concert ay produced ng Today’s Productions and Entertainment at ididirihe ni Many Respall. (Reggee Bonoan)