NAGA CITY – Naniniwala ang Archdiocese of Caceres ng Simbahang Katoliko na lalo pang lumalakas ang debosyon kay Nuestra Señora de Peñafrancia, ang mahigit tatlong daang taon nang patron ng Bicolandia.
Noong 2010, nang idaos ang Tercentenary Celebrations o 300 Years of Devotion sa Naga at buong Kabikolan, dumagsa ang pinakamaraming mga mananampalataya sa pagtitipon.
Ang Our Lady of Peñafrancia ay kinoronahan bilang patron ng Bicol Region noong 1924 sa isang canonical coronation na isinagawa ng mga kinatawan ng Vatican dito sa Naga City.
Ayon kay Monsignor Rodel Cajot, rector ng Basilica Minore, hindi pa rin natitinag ang dagsa ng mga dumadayong deboto sa Virgen de Peñafrancia mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
Aniya, sa kabila ng modernisasyon, at iba’t ibang atensiyon ng makabagong mundo, makikita pa rin ang kabataan na mas lalong dumadagsa sa traslacion.
Nitong nakaraang Biyernes, mahigit kalahating milyong deboto ang naging saksi at sumama sa traslacion procession.
Ang imahe ng Peñafrancia ay hango sa milagrosong Birhen de Peña de Francia ng Salamanca, Spain. Ayon sa historical archive ng Archdiocese of Caceres, ipinagawa sa isang local artisan noong 1710 ang unang replika sa Naga ng Spanish priest na si Miguel Robles Covarrubias -- mula sa litrato na lagi niyang dala-dala. Isang kakaibang kahoy ang ginamit sa pag-uukit ng iskultor.
Pero bago pa man naging ganap na patron, naganap na ang kauna-unahang milagro ng Virgen de Peñafrancia nang pintahan ito ng dugo mula sa kinatay na aso.
Ayon sa kuwento na nagpasalin-salin sa maraming henerasyon mula sa mga nakasaksi, ang labi ng aso na nakagapos ang mga paa ay itinapon sa ilog. Ngunit nagulat ang mga residente nang biglang lumangoy ang aso at tumakbo pauwi sa bahay ng may-ari nito.
Dahil kumalat ang balita sa milagrosong Birhen, bumaba sa bundok maging ang mga Bicolano na dating ayaw magpasakop sa simbahan, lumaki at lumawak ang debosyon hanggang sa ipagawa ni Covarrubias ang kauna-unahang kapilya ng Birhen Peñafrancia, malapit sa ilog ng Naga (kilala ngayon bilang Peñafrancia Shrine).
Ang imaheng ginagamit ngayon sa mga aktibidad ay replika ng orihinal na imahe na mahigit tatlong daang taon na. Sa isang secured at nakatagong silid sa Basilica -- tahimik na inaalagaan ng mga tauhan ng simbahan ang orihinal na imahe.
Ang Birhen at ang kanyang tangan na anak na ipinagawa ni Covarrubias ay makikitang kumikinang pa rin sa mga nakapaligid na diyamante sa kanyang korona, ay may napakaamong mukha at mga mata. Namumukod tangi pa rin, ayon kay Fr. Cajot, ang kulay nitong dark red-brown.
Aniya pa, masisilayan pa rin sa katawang kahoy ang animo’y dugo -- na ayon nga sa mga kuwento ay nagmula sa aso noong 1710.
Napapaligiran ng security camera at nakakandadong mga pintuan, maliban sa security guards, iilan lamang ang pinapayagan ng simbahan na makabisita sa original image ng Peñafrancia.
Ang mahigpit na seguridad ay bunsod ng pagnanakaw sa imahe noong Agosto 15, 1981. Mahigit isang taon bago ito naibalik sa Naga, sa kabila ng iba’t ibang task force na kinomisyon upang hanapin ang imahe.
Ayon kay Ret. Col. Jose Tuazon, isa sa mga pulis sa Naga ang nagbuwis ng buhay sa pagsisikap na ma-recover ang imahen. Tinambangan ng New People’s Army noong Oktubre 1981 ang grupo ng isang Lt. William Purificacion sa Sipocot habang papunta sila sa Camarines Norte dahil sa ulat na naroon ang ninakaw na imahe. Ngunit hindi na ito inabutan ng grupo. Patay ang kasama nilang si Patrolman Neola, ngunit milagro namang maituturing na nabuhay si Lt. Purificacion sa kabila ng tadtad na mga taman ng bala sa mukha at katawan.
Ang imahe ay bigla na lamang sumulpot sa CBCP (Manila), sa pintuan ni Monsignor Romulo Yllana, pari mula sa Naga City. Kalunus-lunos umano ang imahe dahil nagkapira-piraso at nakasilid sa sako.
Setyembre 8, 1982 – kasagsagan ng bagyo, iniuwi sa Bicol ang imahe ng Peñafrancia.
Mula noon -- gumawa na ng ilang replika ang Archdiocese of Caceres na siyang ginagamit sa traslacion at fluvial procession.
Hindi lingid sa mga Bicolano at mga deboto ang mga replikang ginagamit. Sa kabila nito, mas lalo pang lumalawak ang debosyon sa Virgen de Peñafrancia. Kabi-kabila na rin ang mga kuwento ng milagro at mga pampersonal na saksi sa himala ng Birhen Maria.
Sa pag-usbong pang lalo ng Marian devotees sa Naga City, hindi lang Simbahang Katoliko ang nakakaramdam ng mas malawak at mas malakas na turismo kundi maging ang local government.
Katunayan, ang Naga City ngayon ang nangungunang pilgrim destination sa bansa ng Marian congregation delegates mula sa iba’t ibang panig ng mundo. (RUEL SALDICO)
[gallery ids="194075,194080,194079,194078,194077,194076"]