BAGAMA’T walang batas na nag-uutos, tinawagan ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang mga estudyante upang ipamalas ang pagpapahalaga sa kanilang mga guro na naging gabay nila sa kanilang pag-aaral. Bukod sa mga magulang, ang mga guro ang itinuturing na pangalawang ina ng mga estudyante sa mga paaralan.

Ang pagpapahalaga sa mga guro ay dapat lamang asahan sa mga mag-aaral at maging sa sambayanan lalo na ngayong ipinagdiriwang ang National Teachers Month (NTM) na nagsimula noon pang Setyembre 5.

Matatapos ito sa Oktubre 5, ang araw ng pagsisimula ng World Teachers Day (WTD) na pangungunahan naman ng United Nations Education, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). Guro Kabalikat sa Pagbabago ang paksa ng naturang selebrasyon sa taong ito bilang pagdakila sa pagtuturo – ang hanapbuhay na itinuturing na “most honorable profession”.

Kung tutuusin, hindi sapat ang mga preparasyon na inihanda ng gobyerno, sa pamamagitan ng DepEd, upang pahalagahan at pasalamatan ang mga guro sa makabuluhang misyon na kanilang ginampanan sa ating lipunan. Bukod sa paghubog ng kaisipan ng mga mag-aaral sa pagtuturo ng wastong asal, ang mga guro ang naging katuwang sa pangangalaga at pagpapatatag ng mga komunidad; naging kaagapay din sila sa mga kaunlarang pangkabuhayan at panlipunan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi nakapanghihinayang na ang mga guro ay pagkalooban ng mga biyaya at pagkakataon sa pagpapabuti ng kanilang propesyon.

Maaaring makasarili ang aking pananaw hinggil sa isyung ito; bagama’t sandali lamang, minsan din naman tayong naging bahagi ng pagtuturo sa kolehiyo kasabay ng pagganap ng misyon bilang isang peryodista. Panahon na upang isaalang-alang ang matagal nang hinaing ng mga guro tungkol sa pagtataas ng kanilang suweldo at iba pang benepisyo na nararapat sa kanilang paglilingkod. Kabilang na rito ang mga oportunidad tungo sa pagpapataas ng kalidad ng pagtuturo.

Bukod sa pagtuturo, bahagi rin ng kanilang tungkulin ang tumupad ng makabayang tungkulin bilang mga election officers; may pagkakataon na ang kanilang buhay ay nasusuong sa panganib sa pagganap ng naturang makatuturang gawain.

Hindi maitatanggi, kung sabagay, na ang propesyon ng pagtuturo ay nababahiran din ng hindi kanais-nais na mga isyu.

May mga guro na nasasangkot sa iba’t ibang anyo ng pagmamalabis sa tungkulin, tulad ng sexual harassment, katiwalian at iba pa.

Ang pagdisiplina sa ganitong pagsasamantala ay nakaatang sa balikat ng DepEd at ng iba pang ahensiya ng gobyerno.

Sa anu’t anuman, hindi rin maitatanggi na ang mga guro ang epektibong kabalikat sa pagbabago sa iba’t ibang larangan ng pamumuhay. (Celo Lagmay)