Kinailangan ng University of Perpetual Help ang dalawang extension period upang magapi ang Jose Rizal University, 89-80, kahapon at masiguro ang isang playoff berth para sa hangad na Final Four spot sa pagpapatuloy ng NCAA Season 92 men’s basketball tournament sa San Juan Arena.

Naisalpak ni GJ Ylagan ang three-pointer sa nalabing 23.5 segundo ng regulation na sinundan nang mala-lintang depensa para maipuwersa ang unang overtime sa iskor na 64-all.

May walong segundo ang nalalabi nang maipuwersa naman ni Bright Akhuettie ang ikalawang overtime sa iskor na 74-all.

“I’m just proud of the boys, they didn’t give up, “ pahayag ni Altas coach Jimwell Gican.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tangan ng Altas ang 11-4 karta para mapatatag ang kampanya na makausad sa Final Four.

Sa kabiguan, naging mabigat para sa Heavy Bombers ang pag-asang makaabot sa susunod na round matapos manatiling nasa ikalimang puwesto hawak ang kartadang 9-7.

Kailangan nilang maipanalo ang nalalabing dalawang laro at umasang hindi makatungtong sa 12 win mark ang Mapua.

Hataw si Bright sa naiskor na 28 puntos at 18 rebound.

Nanguna naman sa losing cause ng JRU si Teytey Teodoro na may 23 puntos. (Marivic Awitan)