Iginiit kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy niyang pinahahalagahan ang alyansa ng Pilipinas sa United States, binanggit ang parehong interes ng dalawang bansa na labanan ang ilegal na droga, terorismo, kriminalidad at kahirapan.
Pinasalamatan ni Duterte si US President Barack Obama sa suporta ng Amerika sa Pilipinas sa katatapos na G20 summit kung saan binigyang-diin ng huli ang kahalagahan na tumalima ang China sa obligasyon nito sa ilalim ng international law at hindi matatawarang pangako ng US sa seguridad ng kanyang mga kaalyado.
Sa kabila ng pagkakaudlot ng bilateral meeting ng dalawang lider, nagkasundo sina Duterte at Obama na magtutulungan.
Ipinaliwanag din ni Duterte ang mga naging pahayag niya sa media noong Lunes ng gabi na dahilan para mag-alala si Obama.
Sinabi ni Duterte na pinagsisihan niya ang kanyang mga pahayag na nagdulot ng kontrobersiya.
“The President looks forward to ironing out differences arising out of national priorities and perceptions, and working in mutually responsible ways for both countries,” saad sa sa kalatas ng Department of Foreign Affairs (DFA). (Bella Gamotea)