Nakahanda ang Estados Unidos sakaling kailanganin ang kanilang tulong sa pag-iimbestiga sa pagsabog na naganap sa Davao City, lugar mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa statement kahapon ng umaga, sinabi ni US National Security Council Spokesperson Ned Price na ang Amerika ay nakikiramay sa pamilya ng mga nasawi, at nag-aalay sila ng dasal para naman sa mga nasugatan.
“The United States offers deep condolences to the families and other loved ones of the victims of the explosion in the Philippines’ Davao City, and our thoughts and prayers are with the injured,” ayon kay Price.
“We understand that local authorities continue to investigate the cause of the explosion in the night market, and the United States stands ready to provide assistance to the investigation,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Price na ang personal na pakikidalamhati ni US President Barack Obama ay kanyang ipaparating sa Pangulo sa kanilang pagkikita sa ASEAN Summit sa Laos.
Sa pagsabog sa palengke ng Davao City, 14 ang nasawi at 67 naman ang nasugatan. (Roy Mabasa at Elena Aben)