NANG ipalabas ni Pangulong Duterte ang kanyang executive order (EO) sa Freedom of Information (FOI) na sumasaklaw sa lahat ng tanggapan ng sangay ng Ehekutibo noong Hulyo 23, tatlong linggo matapos siyang maluklok sa puwesto, itinuring itong senyales ng pagsisimula ng malaking pagbabago na isasakatuparan ng gobyerno gaya ng ipinangako niya—at mismong nagpanalo sa kanya—noong eleksiyon.
Ang bilis ng pagpapalabas sa EO ay “record breaking”, ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
Nagkaroon ng mga hakbangin sa nakalipas na 29 na taon ng Kongreso upang maisabatas ang Freedom of Information, ngunit pawang nabigo ang mga ito, dahil mistulang nagdadalawang-isip ang mga mambabatas na aprubahan ang ganitong batas, sa pangamba, ayon sa Pangulo, na magamit ang mga impormasyong ito sa black propaganda.
Saklaw lamang ng EO ang mga tanggapang ehekutibo dahil sa doktrina ng paghihiwalay ng kapangyarihan, ayon sa kalihim.
Nakasalalay sa Kongreso ang pagpapasa sa isang FOI law na ipatutupad sa lahat ng sangay ng pamahalaan, kabilang ang Lehislatura at Hudikatura. Magkakaroon ng ilang exception sa mga impormasyon tungkol sa pambansang seguridad at iyong mga nagbibigay ng proteksiyon sa personal privacy. Malinaw na tutukuyin ang mga ito sa listahang bubuuin ng Department of Justice at ng Solicitor General.
Noong nakaraang linggo, inihayag ni Speaker Pantaleon Alvarez na hindi magagawang isabatas ng Kamara de Representantes ang Freedom of Information Law ngayong taon. Magiging abala ang mga mambabatas sa pagtalakay sa national budget at sa mga pagdinig na inaasahang tatagal hanggang Nobyembre. Malinaw na hindi siya kaisa sa pagmamalaki ng Malacanang at ni Pangulong Duterte sa pagpapalabas ng isang executive order sa loob lamang ng tatlong linggo.
At sa pagtatapos ng nakaraang linggo, inihayag ng Malacanang na isinumite na ng DoJ at ng Solicitor General ang listahan ng mga ito ng mga hindi maaaring saklawin ng executive order ng Presidente — nasa 166 lahat. Ang isa sa mga ito ay nagbigay ng exemption sa Commission on Elections laban sa pagbubunyag ng mga detalye tungkol sa proseso nito ng pagbili ng mga kakailanganin sa halalan, gaya ng kontrata sa mga serbisyo ng dayuhang service provider na Smartmatic. Ang isa pa ay nagbigay naman ng exemption sa Department of Labor mula sa pagsasapubliko ng mga impormasyon at record nito, na agad namang tinutulan ng Trade Union Congress of the Philippines.
Hindi pa pinal ang listahang ito ng mga exemption at hihimayin pa ng Office of the Deputy Executive Secretary for Legislative Affairs. Maaari nating sabihin na ang Freedom of Information EO na may 166 na exemption ay hindi maituturing na isang executive order. Umasa tayong ang malaking kumpiyansa na tinanggap ng EO ni Pangulong Duterte, ang ikalawa sa kanyang administrasyon, ay hindi mauuwi sa matinding kabiguan.
Umasa rin tayo na hindi matatagalan ang Kongreso sa pagpapatibay sa isang Freedom of Information Law. Habang hinihimay nito ang national budget, maaari namang magsagawa ng mga paunang pagdinig ang kaukulang komite sa Kamara, upang kapag nagkaroon na ng panahon ang Kamara ay agad nitong maaaprubahan ang isang batas na 26 na taon nang naantala gayung isa itong pangunahing karapatan na nakasaad sa ating Konstitusyon.