NITONG nakaraang Huwebes, inihayag ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Rafael Mariano ang pagkakaloob sa mga magsasaka ng 358 eketaryang lupain ng Hacienda Luisita na pag-aari ng Tarlac Development Corporation (TADECO), na kontrolado ng mga Cojuangco, na nasa Barangay Cutcut at Baleta.

Hiwalay ito sa 500 ektaryang lupa na taniman ng tubo na inalis sa sakop ng agrarian reform program at ginawang industrial land noong 1996. Ito ngayon ang pinag-aaralan ng DAR na ibalik muli bilang agricultural land, base sa petisyon ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA). Ipinababasura ng AMBALA ang 1996 DAR order na ginawang industrial land ang malawak na lupaing ito dahil hindi raw natupad ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) ang mga kondisyong nakasaad sa kautusan. Ipinamahagi rin aniya ng HLI ang lupa sa mga kumpanyang pag-aari ng mga Cojuangco at ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC).

Sa hangaring malutas ang kahirapan, itinatadhana ng Saligang Batas na nilikha noong 1987 ng Constitutional Commission ang reporma sa lupa at industriyalisasyon. Isinandig sa dalawang paraang ito ang ekonomiya ng bansa. Ang lupa ay ipamudmod sa mga nagsasaka. Magtatayo ang gobyerno ng mga pabrika. Magkakatrabaho ang mga nasa dalawang pinakamalaking sektor ng ating lipunan, ang magsasaka at manggagawa.

Pero, biro lang ang reporma sa lupa na isinabatas ng unang Kongresong naitatag pagkatapos mabuwag ng mamamayan ang diktadurya at iluklok si Gng. Corazon Aquino bilang Pangulo. Maraming lupaing inalis sa sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL). Isa na nga rito ang Hacienda Luisita. Maraming nagbuwis ng buhay sa pagnanais nilang buwagin ang istrukturang ito.

Maraming paraan ang naimbento ng mga Cojuangco upang hindi ito maibigay sa mga magsasaka at mapanatili ito na kanilang pag-aari. Matagumpay nilang nagawa ito dahil Pangulo nga si Cory na kinatigan ang kagustuhan ng kanyang kapamilya. Ang may malawak na lupain tulad ng mga pulitikong naging pinuno ng bansa ay sumunod na rin sa kanila.

Kaya, pekeng repormang agraryo ang nangyari na hindi naisagawa ang tunay na layunin nito na wasakin sana ang kahirapan. Nagreporma nga tayo pero hindi sa lahat ng dapat sakupin nito at hindi binigyan ng kaukulang tulong ang mga magsasaka upang maisagad nila ang kayang ibigay ng lupa para sa ikabubuti ng bayan. Nanatili tayong umaangkat ng bigas at iba pang produktong agrikultura sa mga bansang tunay na nagreporma sa lupa, gaya ng Vietnam, na napakabilis nasaka ang lupang matagal na tinigang ng digmaang itinaguyod nila para sa kanilang kalayaan. (Ric Valmonte)