Ipinanunukala ni Senator Panfilo Lacson na ibigay sa Philippine National Police (PNP) ang kapangyarihan sa pagtatalaga ng hepe sa iba’t ibang hurisdiksiyon.
Layunin ng kanyang Senate Bill No. 971 na tuluyang ipaubaya sa pulisya ang karapatan na magtalaga ng mga opisyal upang hindi maimpluwensiyahan ng iba pang grupo o indibiduwal na may ibang interes.
Sa ilalim ng panukala ni Lacson, malinaw kung sinu-sino lamang ang puwedeng makapagtalaga ng mga magiging pinuno ng pulisya sa isang partikular na lugar.
Ang PNP regional director ang may kapangyarihan na magtalaga ng provincial/district director.
Ang provincial o district director ang magtalaga ng chief of police sa bayan o lungsod na pipiliin mula sa listahan na inirekomenda ng PNP Senior Officers Placement and Promotion Board.
Ang mga chief of police ng urbanized cities, independent component cities, at district directors sa Metro Manila ay pipiliin ng regional director. (Leonel M. Abasola)