SA kabila ng katotohanan na mistulang namaos na ang tinig ng media sa kasisigaw ng katarungan para sa ating mga kapatid na biktima ng extrajudicial killings (EJK), lalong tumitindi ang ating pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag; lalo na ngayong ginugunita ang ika-166 kaarawan ni Gat. Marcelo H. del Pilar– ang Dakilang Propagandista na lalong kilala bilang Plaridel.

Sa kabila ng katakut-takot na pagbabanta na sinuong ni Plaridel, nanatiling matalim ang kanyang panulat sa pagtuligsa at paglalantad ng mga kabulukan noong kanyang panahon, tulad ng ginawa at ginagawa ngayon ng ating mga kapatid sa media.

Nakapanlulumong mabatid na sa kabila ng karumal-dumal na pagpaslang sa ating mga kapanalig, lagi na lamang nagiging reaksiyon ng nakalipas at kasalukuyang administrasyon: Lilikha ng superbody laban sa media killings; tutugisin ang mga salarin, rerepasuhin ang mga kaso at lalapatan ng hustisya ang mga biktima.

Tulig na ang ating mga pandinig sa ganitong mga pangako; paos na ang tinig ng mga miyembro ng iba’t ibang organisasyon ng media sa ating bansa at maging sa ibayong-dagat sa kasisigaw ng katarungan. Hanggang ngayon, nagbibiling-baligtad pa ang mga pinaslang na mamamahayag sa kanilang mga libingan subalit mailap pa rin ang hustisya.

At lalong namamaos na ang tinig ng mga mahal sa buhay ng mga biktima ng EJK na halos lumuhod na sa mga awtoridad upang matamo lamang ang katarungan. Isa lamang dito ang nakapanghihilakbot na Maguindanao massacre na ikinamatay ng 56 na inosenteng mamamayan, kabilang ang 36 na kapatid natin sa propesyon.

Kulang ang espasyong ito upang tukuyin ang iba pang kahindik-hindik na EJK na wala akong natatandaang nalapatan ng katarungan. Ang karaniwang nagiging reaksiyon ng mga may kapangyarihan ay pawang mga pangako na nanatiling mga pangako.

Kabilang dito ang kapalaran ng humigit-kumulang sa 77 journalist mula sa Pilipinas na napatay mula 1992 hanggang 2016. iniulat ito ng Committee to Protect Journalists (CPJ), isang independent, non-profit organization na nagsusulong ng press freedom sa buong daigdig. Ang mga napatay ay gumaganap lamang ng kanilang mga tungkulin bilang mga mamamahayag.

Ang kalunus-lunos na mga pagpaslang na ito ay hindi man lamang nalapatan ng hustisya ng nakalipas na mga administrasyon. Patuloy kayang mamamaos ang tinig ng media sa paghingi ng katarungan sa kasalukuyang pangasiwaan?

(Celo Lagmay)