SA press briefing sa Intramuros, Manila, pinaalalahanan ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Korte Suprema ang publiko na may mga korteng tumatanggap ng ebidensiya at nagpapasiya ng conviction o acquittal kahit hindi nila tahasang inaatake ang ugat ng krimen. “Ang kanilang iginagawad ay katarungan,“ aniya, “para sa estado at biktima kung may sapat na ebedensiya ng pagkakasala at sa akusado, kung wala.” Nababahala raw siya sa kakulangan ng paggalang sa karapatang pantao. Ang rule of law aniya ang bumubuhay sa ating bansa. Tungkulin daw ng hudikatura ang pag-isahin ang sambayanan, lunasan ang kanilang hinaing para sa hustisya upang maiwasang maging magulo ang lipunan.

“Please acknowledge the presence of the courts,” ito ang parang buod ng press briefing ni Chief Justice. Kasi, sa marahas at madugong drama na nagaganap sa ating bansa sa pakikidigma ng administrasyong Duterte laban sa krimen at ilegal na droga, nasa sideline ang departamentong kanyang pinamumunuan. Human rights at due process na tungkulin niyang pangalagaan at itaguyod ay itinuturing na sagabal ng administrasyon. Katunayan nga, ang human rights, ayon kay Pangulong Digong, ay presyong pambayad para sa kaligtasan at katahimikan ng sambayanan.

Hindi raw sinusuportahan ng Pangulo ang extrajudicial killings. Pero hinihikayat naman niya ang mga pulis na pumatay ng kanilang inaaresto kapag nanlaban. Pinangakuan pa niya ng proteksyon ang mga pumatay. Kaya, ang 756 na pinatay ng pulis dahil daw ang mga ito ay nanlaban ay patuloy na nadadagdagan mula nang isiwalat ang bilang na ito ni PNP Chief Ronald dela Rosa sa pagdinig ng Senado. Kung bakit ito ay nagagawa ay dahil may pagkatig ang mamamayan na dismayado sa napakabagal na paggiling ng makinarya ng hustisya. Nakakaramdam sila ng katahimikan at kaligtasan sa shortcut na paraan ng Pangulo na patayin ang mga sangkot sa droga.

Pero ang tanong ni CJ Sereno: “Ang pagkadismaya ba sa sistema ay sapat na dahilan upang pumatay?“ Sabi ng Pangulo, mga lieutenant lang ang pinapatay. Ito iyong mga dukha na nakatira sa barung-barong, estero at matatao at masisikip lugar na kung saan may pagkakakitaan ay naroroon sila. Hindi sila iyong mga pulitiko, pulis at makapangyarihan na may uncontrolled free will pero nagpapayaman sa droga. Hindi pinapatay ang mga ito dahil mayroon silang human rights at karapatan sa due process. Bukod dito, nadadagdagan na rin ang mga collateral damage gaya nina Atty. Bato at ang dalagitang kasama niya sa sasakyan at ang 5-taong gulang na bata na tinamaan ng bala nang barilin ang kanyang lolo.

Sa lipunang mistula nang gubat, kahit sino ay pwedeng mabiktima. (Ric Valmonte)