CAMARINES SUR – Kabilang ang mga beterano at bemedalled swimmer, movie personality at business top honcho sa mahigit 300 triathlete/swimmer na nakiisa at sumubok sa hamon sa isinagawang Open Waters Island Hopping Swim Challenge (5K at 10K) kamakailan sa mala-paraisong Caramoan Peninsula.

Ngunit, higit na umagaw ng pansin ang 51-anyos na si Manny Lobrego ng Legazpi City.

Sa kabila ng kapansanang taglay matapos maputol ang kaliwang paa dahil sa aksidente, sumabak si Lobrego kipkip ang determinasyon at suporta ng pamilya para makasabay sa mga karibal.

Hindi naman nabigo si Lobrego – hindi man nakasama sa podium – ay kabilang sa grupong nakatapos sa 10K race ng kompetisyon na nasa ikalawang sunod na taon nang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tulad ni Lobrego.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Bukod sa haba ng distansiya na iikot sa apat na isla pabalik sa Gota Beach Resort, malaking hamon sa mga kalahok ang naglalakihang alon. Sinimulan ang karera ganap na 6:00 ng umaga at ang biglang pag-ulan ay nakadagdag din sa hirap sa kondisyon ng karagatan.

Maging si Rio Olympics veteran Jessie Lacuna ng Ateneo Blue Eagle Varsity Swimming Team ay nakaranas nang labis na hirap sa ruta, ngunit naihanda umano niya ang sarili para malampasan ang hamon tungo sa pagkopo ng kampeonato sa 10K race category.

“The current above and below the waters was strong,” pahayag ng SEA Games champion.

Naisumite niya ang tyempong dalawang oras, 30 minuto at 13 segundo.

Nangailangan din ng mahigit dalawang oras si Kapuso actor Mike Tan, isang triathlon campaigner, bago nakatapos, gayundin si Alaska Milk Corporation owner Alfred Uytengsu na kabilang sa matagumpay na finisher.

(SARAH C. IMPERIAL at RUEL SALDICO)