Bitbit na sana ni Philippine No. 1 at Woman International Master Janelle Mae Frayna ang titulo bilang pinakaunang Woman Grandmaster ng bansa kundi lamang sa posibleng food poisoning na natamo nito sa huling araw ng 2016 World Junior Chess Championships sa Kalinga Institute of Industrial Technology (KIIT) University sa Bhubaneswar, Odisha, India.
Ayon sa 19-anyos BS Psychology student ng UAAP champion Far Eastern University, nawala ang kanyang konsentrasyon dahil sa pananakit ng tiyan dulot nang masamang nakain.
Natamo niya ang dalawang kabiguan at isang draw sa huling tatlong round ng torneo, sapat para malaglag sa ikaapat na puwesto mula sa sosyong liderato.
“Inireklamo niya ang matinding pananakit ng tiyan at madalas na pagkahilo dahil sa posibleng food poisoning,” sabi ni NCFP Technical Official Red Dumuk. “Hindi siya makapag-isip ng maayos sa last five round niya dahil sumasakit ang tiyan sa nakain niya doon.”
Nangako naman si Frayna na babangon mula sa nakakadismayang pagkakataon sa World Juniors para maiuwi ang pinakaaasam na maging pinakaunang Woman GM ng Pilipinas sa susunod na linggo na World Chess Olympiad.
Sinabi ni Frayna na hindi na nito palalampasin ang tsansa na makamit ang ikatlo at huling WGM norm sa pagsabak nito sa 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Sasabak si Frayna sa Board One sa pagsisimula ng Chess Olympiad sa Setyembre 1 kasama ang kapwa WIM na sina Catherine Perena-Secopito at Jan Jodilyn Fronda pati na sina Woman Fide Master Shania-Mae Mendoza at National Master Christy Lamiel Bernales.
Optimistiko naman si Women’s team captain at NCFP Executive Director GM Jayson Gonzales na malaki ang tsansa ni Frayna na makamit ang kanyang ikatlo at huling WGM Norm.
Bitbit ni Frayna ngayon ang 2310 FIDE rating matapos ang pagpuwesto nito bilang 5th overall sa World Juniors at kailangan na magwagi sa tatlong Woman GMs o magtipon ng anim na puntos sa 9 na round upang tanghaling pinakaunang Lady Grandmaster ng bansa. (Angie Oredo)