BAGAMA’T ang pangangalaga sa paningin ay matagal na sanang dapat naging bahagi ng public health program ng pamahalaang gobyerno, nabuhayan ng pag-asa ang mga tulad kong pinahihirapan ng iba’t ibang sakit sa mata.

Hinahanap natin ang lahat ng paraan upang makaiwas sa pagkabulag, isang matinding balakid sa normal na pamumuhay.

Dapat nating ikagalak ang pagsusulong ng Department of Health (DoH) ng Community Health Program (CHP) na hindi lamang magkakaloob ng serbisyo sa mga may problema sa mata kundi maging sa mga dinadapuan pa ng iba’t ibang karamdaman.

Sisimulan ito sa mga barangay hanggang sa mga ospital.

Ewan ko kung dapat din nating ikagalak ang pahayag ng DoH na umaabot na sa 300,000 ang mga bulag na Pilipino; at may pahiwatig pa na marami pa ang may mga eye diseases na pinangangambahang maaaring humantong sa ganap na pagkabulag o total blind, lalo na kung ang mga ito ay hindi maaagapan.

Nagkataon na ang naturang programa ay unang inilunsad sa ating lalawigan sa Nueva Ecija na sinundan ng Iloilo, Occidental Mindoro at Cavite. Pinalawak ito sa pinakamahihirap na probinsya sa bansa na tulad ng Eastern Samar, Leyte at Surigao. Maaaring sa nabanggit na mga lalawigan matatagpuan ang maraming dinadapuan ng mga sakit sa mata na nangangailangan ng kagyat na atensyon.

Ang gayong pagsisikap ay inagapayanan naman ng iba’t ibang non-government organization (NGO) na kinabibilangan ng Christoffel Blinden Mission, Free Hollows Foundation, World Health Organization, National Committee for Sight Preservation, at ng Cataract Foundation of the Philippines. Natitiyak ko na ang mga ito ay hindi bibitiw sa mga pagsisikap upang maiwasan, kundi man ganap na masugpo, ang pagkabulag.

Dapat lamang nating ikabahala ang naturang bilang ng mga bulag nating mga kababayan. Katiting lamang ang 300,000 kung ihahambing sa mahigit na 100 milyong populasyon ng ating bansa. Subalit hindi ito dahilan upang tayo ay maging kampante at ipagwawalang-bahala ang kalusugan ng ating mga paningin.

Hindi maaaring maliitin kailanman ang kahalagahan ng mga mata sa lahat ng larangan ng ating pakikipagsapalaran.

Sa ating propesyon bilang mga peryodista, halimbawa, ang ating mga paningin ang maituturing na makapangyarihang sandata, bagama’t ang kalayaan sa pamamahayag ay isang matibay rin nating armas.

Sapat na ito upang lalo kong pag-ibayuhin ang pangangalaga sa aking mga paningin, lalo ang kaliwang mata na natuklasang may glaucoma – upang makaiwas sa pagkabulag. (Celo Lagmay)