PATULOY na lumalago ang global travel spending, kahit mas mabagal ito ngayon, sa kabila ng mga humihinang ekonomiya at ng takot na dulot ng banta ng terorismo.

Inihayag sa isang report noong Lunes ng World Travel and Tourism Council, isang grupong suportado ng mga travel provider na nagsusulong ng turismo, na ang pandaigdigang gastos sa pagbibiyahe ngayong 2016 ay inaasahang tataas ng 3.1 porsiyento. Mababa ito sa taya noong Marso na 3.3 porsiyento ngunit mas mataas pa rin sa global economic growth, na inaasahan ng grupo sa 2.3 porsiyento.

Mas malaki ang epekto ng mga problemang macroeconomic sa paglalakbay kaysa mga teroristang pag-atake, ayon sa presidente ng grupo na si David Scowsill.

“Travelers aren’t going to allow isolated terrorist attacks to put them off traveling,” aniya.

Isang halimbawa, ang mga turista na nababahala sa kaligtasan sa France ay pinipiling magpunta na lamang sa Spain o Italy. Sabi ni Scowsill na ang mga destinasyon na may mga tourist-specific attack ay madalas umaabot ng dalawang taon para makabawi, habang ang ibang uri ng pag-atake ay nagdudulot ng mas mabilis na pagpapatuloy pagdating sa paglalakbay.

Nakikita rin ng ibang mga travel group ang pananamlay ng travel spending. Kamakailan, sinabi ng International Air Transport Association na habang maraming tao ang patuloy na naglalakbay, ang pataas na trend “has moderated since January” at ang porsiyento ng mga upuan na naookupa ay bumaba nang bahagya.

“The fragile and uncertain economic backdrop, political shocks and a wave of terrorist attacks are all contributing to a softer demand environment,” saad sa pahayag ng leader ng grupo na si Tony Tyler.

Noong Abril, nagbabala ang Global Business Travel Association ng kumakaunting biyahe mula sa Amerika—partikular ang mga business traveler.

Gayunman, hindi lahat ng bahagi ng mundo ay humaharap sa nasabing mga problema. Nagbigay ng breakdown ang World Travel and Tourism Council sa inaasahang 2016 travel spending sa mga sumusunod na paraan:

— Nangunguna ang paglago ng South Asia na may 5.9 porsiyento, dulot ng malakas na economic prospect sa India.

— Inaasahang worst performer ang Latin America, na may inaasahang pagbaba ng 0.9 porsiyento, dahil sa kahinaan ng Brazil.

— Nakikitang lumalago ang Northeast Asia at Southeast Asia ng 4.7 porsiyento at 4 porsiyento, pinapasigla sa paglago ng China sa 6.3 porsiyento.

— Pinapantayan naman ng North America ang global growth rate sa 3.1 porsiyento.

— Inaasahang haharap ang Europe sa mga pagsubok at lalago lang ng 2.2 porsiyento. (Associated Press)