TAONG 1996 nang huli tayong makakuha ng medalya sa Olympics. Nang taong iyon, si Fidel V. Ramos ang ating pangulo, at ako naman ay nasa ikalawang termino bilang kinatawan ng Las Piñas.

Sa taon ding iyon nangyari ang trahedya sa Ozone disco, ang pagpapalaya kay Sarah Balabagan, isang overseas Filipino worker (OFW), at ang pagwawagi sa puntos ni Mansueto Velasco ng Lungsod ng Bago laban kay Rafael Lozano ng Spain para makuha ang medalyang pilak.

Ngayon, makalipas ang 20 taon — isang taga-Mindanao ang ating Pangulo at ako naman ay retirado na sa pulitika — binuhat ni Hidilyn Diaz ang 200 kilo para makuha ang medalyang pilak at mag-uwi ng karangalan para sa Pilipinas.

Si Hidilyn ay may taas lamang na apat na talampakan at 10 pulgada at timbang na 53 kilo, ngunit iniangat niya sa kanyang mga balikat ang diwa ng mga Pilipino.

Ang mga kasaysayang gaya ng kina Onyok at Hidilyn ay katibayan, hindi lamang ng talento ng Pilipino kundi ng argumento na kailangan ang marami pang pamumuhunan para sa pagpapaunlad ng palakasan.

Sa kabila ng pagsisikap ng ating mga atleta, pito (dalawang pilak at limang tanso) ang napanalunan ng Pilipinas sa 92 taon ng paglahok sa Olympics.

Pinupuna rin ng mga nagmamasid ang kawalan ng direksiyon sa ating programa sa palakasan, na pinalalala pa ng kakulangan sa pondo. Gumugugol tayo ng P800 milyon bawat taon ngunit maliit na halaga kung ihahambing sa P14 bilyon na ginugugol ng Thailand at P7 bilyon ng Singapore. 

Nakakaawang makita ang ating mga atleta na hindi man lamang tumatanggap ng kailangang nutrisyon dahil sa maliit na halagang ibinibigay para sa kanilang pagkain. Napakamiserable rin ng ating mga pasilidad sa pagsasanay kung ihahambing sa ibang mga bansa sa ating rehiyon.

Nagagalak ako sa ginawa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na itaas sa $3,000 mula sa $1,000 ang allowance ng ating delegasyon sa Olympics. Kailangan nating tulungan ang ating mga atleta para magtagumpay sila at maghatid ng karangalan sa bansa.

Kritikal ang palakasan sa pambansang kaunlaran. Ayon sa United Nations, ang pagpapaunlad sa palakasan ay nakatutulong sa pagsusulong ng kalusugan at pag-iwas sa sakit, pagkakapantay-pantay sa kasarian, integrasyon sa lipunan, kapayapaan, komunikasyon at kaunlaran ng ekonomiya.

Ang palakasan ay isa ring malakas na kagamitan upang magbigay ng inspirasyon at magsulong ng pagkakaisa. Ganito ang nangyayari tuwing masasaksihan natin ang pagwawagi ni Manny Pacquiao sa kanyang kalaban, at maging ng Azkals o ng Gilas Pilipinas kapag sila ay nananalo.

Kailangan nating pagbutihin ang pagpapatakbo sa ating programa sa palakasan. Ang unang hakbang ay tiyakin ang pananagutan. Isa sa mga napansin ko ay ang pagtuturuan ng mga opisyal kung sino ang dapat sisihin tuwing may matatalo sa ating mga atleta. 

Kaugnay nito, mahalaga na alisin ang pulitika sa palakasan. Ito ay nangangahulugan na ang mga organisasyon sa iba’t ibang uri ng palakasan ay hindi dapat mabahiran ng palakasan at katiwalian. Ang pagtutunggali sa kapangyarihan sa mga pinuno sa palakasan ay dapat magbigay sa kapakanan ng ating mga atleta.

Kailangan din natin ang malakas na pagsasama ng pribado at pampublikong sektor upang makalikom ng pondo para sa pagpapaunlad sa palakasan. Gayundin, kailangan natin ang programa na titingin sa potensiyal mula sa mababang sektor ng lipunan. (Manny Villar)