Halos tatlong buwan pa bago ang nakatakdang duwelo sa Nobyembre 5 nina Senator Manny Pacquiao at World Boxing Council (WBC) welterweight champion Jessie Vargas, ngunit inirelyo na ang pustahan kung saan liyamado ang eight-division world champion na si Pacman.
Nakatala sa betting board para sa 12-round duel sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas, ang -1000 ($1,000 panalo sa $100 pusta kay Pacquiao), habang si Vargas ay may +550 ($550 panalo sa pustang $100).
Sa kabila ng mahabang panahong pagkabakante ni Pacman, naniniwala ang oddsmaker na kakayanin ni Pacquiao si Vargas.
Huling lumaban si Pacquiao nitong April, kung saan naitala niya ang unanimous decision win kontra Tim Bradley.
Patunay umano ito na matibay si Pacman sa 147-lb. division.
Iginiit naman ni Vargas na matagal na niyang nakabisado ang mga karibal na southpaw kung kaya’t hindi na mahirap sa kanya ang mag-adjust laban sa left-hander na tulad ni Pacman.
Tangan niya ang 27-1 karta, tampok ang 10 KOs.
“You still haven’t seen the best that I have to offer,” pahayag ni Vargas sa panayam ng boxingscene.com.
Nitong 2014, pawang southpaw ang nakalaban ni Vargas sina Russians Khabib Allakhverdiev at Anton Novikov, gayundin ang Mexican na si Antonio DeMarco.
“It has helped me a lot not only that but we have several times prepared for it. We have long-term sparring partners that will help me prepare for but definitely those experiences will help me prepare for it,” aniya.
Sinimulan na ng 27-anyos na si Vargas ang pagsasanay sa pangangasiwa ng bagong trainor na si Dewey Cooper, dating Muay at MMA fighter.
Hawak naman ni Pacman ang markang 58-6-2, tampok ang 38 KOs. (NICK GIONGCO)