PARA sa magsasakang si Pauline Wafula, isang Kenyan, hindi niya kailanman pinagdudahan na madudumihan din ang mga kamay ng mga anak habang natututong magtanim at magpalago ng sarili nilang pagkain.

Inihayag ng 63-anyos na ina sa limang anak na wala nang iba pang trabaho ang makapagbibigay ng seguridad na gaya ng pagsasaka dahil lahat ng tao ay kumakain kaya tiyak na may pagkakakitaan mula rito.

“I always insist that even if they work elsewhere, they must farm on the side,” sabi naman ni Wafula, isang guro na naging magsasaka at may mga tanim na kamatis, sibuyas, at red cabbage sa kanyang mga greenhouse.

Ngunit sa kanlurang bahagi ng Kenya na Bungoma County, kung saan nakatira si Wafula, mahihirapan kang makatagpo ng kabataan na nagtatrabaho sa malawak na tubuhan. Karamihan ng magsasaka ay mga retiradong tulad niya.

“It is like a norm that young people go to the city to search for jobs,” sabi niya sa Thomson Reuters Foundation.

Sa iba’t ibang dako ng mundo, patanda nang patanda ang mga magsasaka dahil sa kabiguan ng sektor na umakit ng kabataang mahusay sa pagtatanim, at sa halip ay nagtutungo ang mga ito sa mga lungsod para maghanap ng trabaho.

Produksiyon ng maliliit na magsasaka ang mahigit 70 porsiyento ng pandaigdigang pagkain at para siguraduhin na sapat ito para pakainin ang lumalaking populasyon ng mundo, kailangan ng reporma sa pagsasaka para makaakit ng kabataan, ayon sa mga eksperto.

Ayon sa HelpAge International, isang non-profit organisation na nagtatrabaho para sa matatanda, ang grupo ng mga magsasaka ay nagiging mas matanda kaysa karamihan ng populasyon.

Sa Africa, na 60 porsiyento ng populasyon ay nasa edad 24 pababa, ang karaniwang edad ng mga magsasaka ay 60 anyos.

“Around the world it’s a potential problem that farmers are growing older, particularly smallholder farmers in low-income countries,” sabi ni Mark Gorman, senior policy adviser ng HelpAge.

Malaki ang maitutulong kung pagbubutihin at aayusin ang mga imprastruktura sa probinsya, tulad ng supply ng kuryente, subsidiya, at pautang para suportahan ang matatandang magsasaka at himukin ang mga anak ng mga ito na magsaka rin, aniya.

Ang tumatandang profile ng mga magsasaka ay dapat tutukan ng pansin, lalo na sa sub-Saharan Africa na malamya ang produksiyong agrikultural, ayon kay David Suttie, isang policy analyst sa International Fund for Agricultural Development (IFAD).

Sinabi ng mga eksperto na kailangang baguhin ang agrikultura para maging kaiga-igaya ito sa kabataan bilang magandang alternatibo sa kabuhayan sa lungsod.

“The farming sector in developing countries is not attractive,” sabi ni Panagiotis Karfakis, economist sa FAO. “The problem intensifies because the technologies they use are not the most productive, there is no infrastructure and there are land security issues.”

Sa nagiging modernong mundo, nagiging uso ang city farming sa nakalipas na taon, at mayroon na ring mga urban farm mula sa Accra hanggang sa Mumbai at London.

Ayon sa pag-aaral noong 2014, ang mga nakatira sa lungsod ay nagsasaka sa mga lugar na kasukat ang European Union.

Sa kabila nito, hindi naman agad na mapakakain ng mga urban farmer ang kanilang mga sarili, ayon sa mga eksperto.

“It should be encouraged and supported, and it can be a part of the solution but there is a danger in overemphasising the scope for urban agriculture to feed the cities,” sabi ni Suttie.

Ayon sa Worldwatch Institute sa Washington, noong 2011 ay halos 15-20 porsiyento ng pagkain ng mundo ay ginawa sa mga lungsod. (Reuters)