ISANG malaking kabalintunaan na hindi lamang sa pribadong sektor talamak ang nakapanggagalaiting contractualization o end of contract (ENDO) kundi maging sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.

Sa imbentaryo ng government personnel na isinagawa ng Civil Service Commission (CSC) noong 2010, umaabot sa 21,315 ang contractual workers samantalang 97,951 naman ang casual.

Mas mababa ito, kung sabagay, sa halos 30 million workforce sa pribadong sektor na biktima ng contractualization, batay sa pahayag ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).

Nangangahulugan lamang na ang pamahalaan ay matagal na ring pinaguguran ng salot sa mga namamasukan – contractualization. Gayun din sa mga pribadong sektor na ang naturang salot o kalbaryo ay matagal nang pinapasan ng mga manggagawa sa iba’t ibang kompanya.

Hindi naman marahil kalabisang banggitin na noong dekada 60, kabilang tayo sa mga biktima ng naturang nakadidismayang labor practice sa isang ahensiya ng gobyerno; pinasasahod lamang tayo, halimbawa ng P10.62 isang araw at tatagal ito hanggang may pondo.

Mahirap paniwalaan subalit ito ay totoo. Hindi ba ito isang halimbawa ng ENDO?

Nasa wastong direksiyon, kung gayon, ang mga obserbasyon mula sa Senado. Hiniling ng ilang mambabatas na ang gobyerno ang manguna sa pagtupad ng mga bagay na iniaatas nito sa mga pribadong establisimiyento.

Dahil dito, nalantad ang katotohanan na ang pamahalaan ay lumalabag din sa sistemang nais lipulin ng administrasyon.

At lalong nalantad na bukod sa kinamumuhian nating drug lords; gambling lords, kotong lords, at ng iba-iba pang lords, naidagdag dito ang “ENDO lords”.

Ito ang dapat pangunahang lutasin ng pamahalaan. Kailangang magsagawa kaagad ng imbentaryo sa mga temporary workers upang matiyak kung sila ay marapat nang maging regular employees. Kabilang dito ang namamasukan sa ilalim ng sistemang ‘job order’, ‘emergency hiring’, ‘memorandum of agreement’, at iba pa na kahawig ng ENDO system.

Ang mga casual workers na nakapaglingkod na ng limang taon, civil service eligible at natatangi ang serbisyo ay maaari nang maisama sa regular force ng gobyerno.

Ganito rin ang nais mangyari ng Duterte administration.

Nais nitong malipol ang ENDO system na ang isang contractual worker ay limang buwan lamang pinapayagang makapagtrabaho ng mga mapagsamantalang negosyante.

Sa gayon, hindi magiging regular employee ang isang casual worker sa mga malls, airplanes, hotels, restaurants, pabrika, at iba pa. Matindi ang babala ni Pangulong Duterte sa naturang mga negosyante: Hindi ko kayo patatawarin.

Ibig sabihin, nais niyang malipol kaagad ang mga tinagurian ngayong ENDO lords. (Celo Lagmay)