ILOILO CITY – Posibleng nabuking ng Philippine National Police (PNP) ang isang Taiwanese cybercrime at drug group sa pamosong tourist spot na Boracay Island sa Malay, Aklan, kahapon ng umaga.

Ito ay makaraang maaresto kahapon ng mga tauhan ng Malay Police, Boracay Police at Special Weapons and Tactics (SWAT) ang 25 Taiwanese sa anti-drug operasyon sa villa na nirerentahan ng mga dayuhan sa Barangay Balabag.

Sinabi ni Chief Insp. Mark Evan Salvo, ng Malay Police, na inakala nila noong una na nag-o-operate ng drug laboratory ang grupo ng mga Taiwanese sa isla.

Kaya naman labis siyang nasorpresa nang tumambad sa kanila ang napakaraming desktop computer, laptop computer, modem, at telepono.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Natagpuan din ng mga pulis ang isang listahan ng mga international phone number.

Sa ngayon, hindi pa tiyak ng mga awtoridad kung anong uri ng cybercrime ang kinasasangkutan ng 25 Taiwanese.

Magtutungo naman sa Boracay ang mga operatiba ng PNP Anti-Cybercrime Group mula sa headquarters sa Camp Crame sa Quezon City, upang magsagawa ng masusing imbestigasyon.

Ayon kay Senior Insp. Jess Baylon, hepe ng Boracay Police, na nakabili ng shabu ang isa nilang undercover cop mula sa isa sa mga Taiwanese.

Nakumpiska rin mula sa villa na nirerentahan ng mga dayuhan ang cocaine, ecstasy at ilang drug paraphernalia.

Inaalam na rin ng Bureau of Immigration (BI) ang estado sa bansa ng 25 Taiwanese na naaresto.

(TARA YAP at JUN AGUIRRE)