BATAC CITY, Ilocos Norte – Nilinaw ng nagsisilbing altar lady sa labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos simula nang dumating ito sa Ilocos Norte mula sa Hawaii noong 1993, na “totoo” ang labi ng dating presidente na naka-freeze sa refrigerated crypt sa musoleo ng mga Marcos sa Batac City.
Pinabulaanan ni Elena Gaspar, tubong Sarrat, Ilocos Norte, ang espekulasyon ng ilan na hindi totoo ang labi ni Marcos na nasa musoleo.
Aniya, walang nagbago sa labi ng dating diktador sa nakalipas na mahigit 20 taon dahil maayos ang pagkaka-preserve nito sa freezer.
Ang pangangalaga sa labi ni Marcos ay pinangangasiwaan ng mortician nitong si Dr. Frank Malabed.
Kasabay nito, nilinaw din ng mga doktor ng dating presidente ang sanhi ng pagkamatay nito noong 1989.
Napaulat na namatay si Marcos habang naka-exile sa Hawaii noong Setyembre 28, 1989 dahil sa atake sa puso. Bukod dito, may sakit na sa puso, kidney at baga ang dating diktador.
Napaulat din na dumanas ng lupus si Marcos dahil sa “reddish rashes on his face.”
Iginiit naman ni Dr. Clavel Ramos, isa sa mga personal na doktor ni Marcos, na hindi nagkaroon ng lupus ang dating pangulo.
“He never had lupus and that is for certain…I do not know where the speculations that he had lupus started but it is 100% that he had no lupus,” ani Ramos.
Gayunman, inamin niyang “it was a case of high blood pressure which led to complication of the kidney. His blood pressure will rise up to 200 mmhg when he was still a congressman until senator; that was the main cause of his kidney disease.”
Sumailalim din si Marcos sa kidney dialysis at matatagumpay na transplant noong 1983 at 1984, ayon kay Ramos.
(Freddie G. Lazaro)