SA pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, mahalagang pag-ukulan ng pansin ang nagawa, pagpapahalaga at pananaw sa wika ng mga naging pangulo ng iniibig nating Pilipinas.

Ang kanilang mga nagawa at pananaw ay maituturing na natatanging bahagi ng kasaysayan at kontribusyon sa wika.

Mababanggit na unang lantay na halimbawa si Pangulong Manuel L. Quezon na kinikilalang Ama ng Wikang Pambansa.

Sa panahon ng kanyang panunungkulan, nadama niya ang problema at hirap sa pakikipagtalastasan sa mga mamamayan.

Kapag nagtutungo siya sa iba’t ibang lalawigan, nangangailangan pa siya ng interpreter upang maunawaan ng ating mga kababayan.

Dahil dito, noong Abril 1, 1940, nilagdaan ni Pangulong Manuel L. Quezon ang Executive Order No. 263 na nag-uutos sa paglimbag at paglathala ng Diksyunaryong Tagalog-Ingles at ng Balarilang Tagalog para magamit sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Ang Balarilang Tagalog ay sinulat ni Lope K. Santos, isang makata, manunulat, nobelista, naging Direktor ng Surian ng Wikang Pambansa (Komisyon sa Wikang Filipino na ngayon) at naging gobernador ng Rizal.

Bunga ng marubdob na pagtataguyod sa wika, kinilala si Pangulong Manuel L. Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa.

Ayon kay Pangulong Manuel L. Quezon, ang wikang pambansa ay isa sa mga katibayan na dapat taglayin ng isang malayang bansa. Ang pagiging makabayan sa isip, ugali, damdamin at sa wikang nagpapahayag ng mga nabanggit ang kabuuan ng disiplinang Pilipino na kailangan ng mga mamamayan, partikular na ang mga naglilingkod sa bayan.

Hinangad at pinangarap ni Pangulong Manuel L. Quezon na magkaroon tayo ng wikang pambansa upang tumibay ang pagkakaisa at mapaalab ang pagmamahal sa bayan ng bawat mamamayang Pilipino.

Ayon pa kay Pangulong Quezon: “Kayo’y mga Pilipino, ang bayan ninyo ay Pilipinas at ito ang tanging bayang ipinagkaloob sa inyo ng Diyos; na ang inyong bayan ay isang dakilang bayan at ito ay may dakilang kasalukuyan at dakilang hinaharap.”

Ang paglaganap ng wika ay hindi na nasilayan ni Pangulong Manuel L. Quezon sapagkat noong Agosto 1, 1944, namatay siya sa sakit na tuberculosis sa Saranac Lake, New York, America. Sa kanyang pagyao, nasa tabi niya ang kanyang pamilya; si Gng. Aurora Aragon Quezon, mga anak na sina Maria Aurora Quezon, Zenaida Quezon-Avancena, at Manuel Quezon, Jr.

Sa kanyang liham para sa sambayanang Pilipino na isinulat niya bago siya pumanaw, sinabi niya na: “Pinaglingkuran kita bayan kong minamahal hanggang sa abot ng aking kakayahan, ikaw naman ay nagpamalas sa akin ng tunay at ganap na pagtitiwala. Hindi ko maaaring makalimutan ito hanggang sa kahuli-hulihang tibok ng aking puso ikinalulungkot kong hindi kita masamahan hanggang sa oras nang ganap mong paglaya. Ngunit malapit ka na roon at kakaunti na lamang ang iyong lalakbayin.”

Ang pangalan ni Pangulong Manuel L. Quezon ay maituturing na maningning na tala na hindi kukupas ang liwanag sapagkat puspusan ang kanyang malasakit sa pagkakaroon ng wikang pambansa na tatak ng ating pagkalahi. (Clemen Bautista)