HINDI ko makita ang lohika sa paglikha ng Department of Housing and Urban Development (DHUD), lalo na kung isasaalang-alang na marami nang ahensiyang kahawig nito ang matagal nang bahagi ng makinarya ng gobyerno.

Ang paglikha ng planong DHUD ay nakapaloob sa isang panukalang-batas na inihain sa Senado; sinasabing bunsod din ito ng mga kahilingan ng iba’t ibang pribadong sektor at ng ilan pang mambabatas.

Mga panukala at kahilingan ito na hindi ko pinaniniwalaang magiging katanggap-tanggap sa higit na nakararaming mamamayan, lalo na ng mga maralita; ang kailangan nila ay pabahay at hindi ahensiya sa pabahay.

Ang mga pagtutol sa nabanggit na panukala ay tiyak na nakaangkla sa epektibong pagganap sa tungkulin ng kasalukuyang mga tanggapan sa pamahalaan na may kaugnayan sa pabahay.

Ang National Housing Authority (NHA), halimbawa, ay matagal nang nakatutok sa mga problema sa pabahay at laging nakahandang tumugon sa pangangailangan sa pabahay; ito ang naghahanap at naglalaan ng mga lugar na matitirhan ng ating mga kababayan na hanggang ngayon ay naninirahan sa mga barung-barong na nakatirik sa mga estero at sa mga lote na hindi kanila.

Naririyan din ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) na ang mga opisyal na misyon ay may kinalaman din sa pabahay at sa pagtatayuan ng mga ito.

Isang malaking kabalintunaan na ang kasalukuyang mga tungkulin ang mistulang aagawin ng lilikhaing DHUD. Iminamatuwid ng mga nagsusulong ng naturang panukala na higit na matutugunan nito ang pangangailangan ng mga urban at rural dwellers.

Hindi ba ang nabanggit na mga argumento ay insulto sa kakayahan at kapasidad ng mga namumuno ng NHA, HUDCC at HLURD?

At hindi ba ito maliwanag na ‘duplication of functions’ na nangahulugan ng pag-aaksaya ng oras, pagod at salapi ng gobyerno na dapat ay nailalaan na lamang sa mga nangangailangan ng pabahay?

Ang kailangang pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas at ng iba pang sektor ay kung paanong malulunasan kaagad ang problema sa pabahay; kung paanong sila ay magiging katuwang sa pagsasakatuparan ng patakaran ng Duterte administration: No relocation, no demolition.

Ang mga apektadong pamilyang mahihirap ay hindi dapat ituring na parang mga aso; dapat silang mailipat sa naaangkop na matitirahan.

Ang makataong misyong ito ang dapat unahin. (Celo Lagmay)