Isinagawa ang kauna-unahang board meeting ng Philippine Sports Commission (PSC) Board kahapon matapos kumpirmahin ng Malacanang kahapon ang appointment nina commissioner Celia Kiram, Ramon Fernandez, Charles Maxey at Arnold Agustin.
Mahigit isang buwan na nakatengga ang ‘line function’ ng apat na commissioner bunsod nang kawalan ng opisyal na pagkakatalaga ng apat para makatuwang ni PSC chairman William “Butch” Ramirez sa paglunsad ng mga programa ng pamahalaan, higit sa grassroots sports development.
‘Kumpleto na kami. After one month, ito ang official board meeting namin,” pahayag ni Ramirez.
Nakatakda panumpain sa kanilang panunungkulan ang apat na commissioner na posibleng itakda sa Lunes matapos lamang makuha ang kani-kanilang mga appointment papers sa Malacañang.
“Marami nang nabibinbin na trabaho,” sabi ni Ramirez na una nang pinanumpa bilang PSC Chairman noong Hunyo 30. “Mabuti nga pumayag ang bangko na kahit isang pirma lamang ay maibigay nila ang suweldo ng mga empleyado at mga national athletes natin na binibigyan ng buwanan na allowance ng ahensiya,” aniya.
Una nang itinalaga ni Ramirez sa iba’t ibang gawain ang apat na commissioner.
Ang dating PBA player at nakabase sa Cebu na si Fernandez ay binigyan ng responsibilidad na hawakan ang lahat ng development program sa Visayas pati na sa pamamahala sa Philippine National Games (PNG).
Ang dating pangulo ng pencak silat na si Kiram ang mamamahala sa Batang Pinoy program at grassroots project ng PSC pati sa pagsasagawa ng mga sports sa Autonomous Region of Muslim Mindanao at Zamboanga peninsula.
Itinalaga naman ang dating journalist na si Maxey sa pagbuhay sa Mindanao Friendship Games, BIMP-EAGA at pagrepresenta sa PSC sa implementasyon ng Palarong Pambansa.
Si Agustin, dating namumuno sa PSC operations division, ay inatasan na mamahala sa mga pasilidad na nasa ilalim ng pagmamay-ari ng PSC tulad ng Rizal Memorial Sports Complex, PhilSports Arena, at PSC training camp sa Teacher’s Camp sa Baguio City.
Kasama sa magiging trabaho ni Agustin ang pakikipag-koordinasyon sa PHILSPADA o ang asosasyon para sa mga disabled athletes. (Angie Oredo)