SUKDULAN ng kawalan ng utang na loob kung hindi paulit-ulit na pasasalamatan ang Quezon City government sa pagkakaloob sa atin ng Gawad Manuel L. Quezon, may ilang taon na rin ang nakalilipas. Angkop lamang ang gayong pasasalamat, lalo na ngayong ginugunita ang kapanganakan ni dating Presidente Manuel L. Quezon, ang Ama ng Wikang Pambansa.

Ang naturang karangalan ay iginawad bilang pagkilala sa ating mahabang panahon sa pamamahayag, sa pagsusulat ng iba’t ibang anyo ng panitikan at sa pagtuturo ng wikang Filipino sa mga pamantasan. Subalit hindi ito nangangahulugan na tayo ay dalubhasa sa sariling wika, lalo na kung isasaalang-alang na tayo ay lantay na Ilokano. Ang aming lolo, lola, ama at ina ay isinilang sa Batac, Ilocos Norte; bagama’t ako ay ipinanganak sa Nueva Ecija – sa isang maliit na bayan na isa ring Ilokano town. Ngunit hindi ito dahilan upang kumupas ang ating pagpapahalaga sa sariling wika; manapa, lalo nating sisikaping pag-ibayuhin ang pag-aaral at pananaliksik sa Filipino.

Ito ang dahilan kung bakit lagi nating ‘inilalambing’ sa ating mga kapatid na dalubwika na lalo pa nilang pasiglahin ang pagsusulat ng mga aklat sa Filipino, lalo na ang tungkol sa gramatika o balarila. Mahalagang madagdagan ang aming kaalaman sa wastong paggamit at pagbigkas ng mga salitang Filipino. Nais naming matiyak, halimbawa, kung alin ang tama sa kakayahan at kakayanan, matutuhan at matutunan; kung paano ginagamit ang raw at daw, ng at nang, bukod sa at maliban, at marami pang iba.

Ang wastong mga reglamento sa paggamit ng ilan lamang sa nabanggit na mga salita ay mahalaga sa ating mga kapatid sa propesyon – sa mga pahayagan, sa radyo at telebisyon – na malimit na nalilito sa tamang paggamit at pagbigkas ng ating sariling wika.

Ang kakulangan natin ng ganap na kaalaman sa Filipino, gayunman, ay marapat lamang lalong mapaigting sa ating hangaring ito ay mapaunlad at mapalaganap. Pinamumuhunan ito ng buhay at dugo ng ating mga ninuno; ito ang sumasagisag sa ating pagiging lubos na malaya; simbolo rin ito ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

Totoo, marami sa atin ang hindi maituturing na dalubwika. Subalit isang bagay ang tiyak – higit na nakararami sa atin ang dalubhasa sa pagmamahal sa Filipino, na tayo ay kaagapay sa ibayong pagpapaunlad ng Wikang Pambansa.

(Celo Lagmay)