CEBU CITY – Dalawang hinihinalang drug pusher, na inaresto sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya kahapon ng madaling araw sa mga barangay ng Guadalupe at Kalunasan, ang nagbunyag na tumatalima lang sila sa utos ng kanilang “boss” na nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.

Inaresto kahapon ng mga operatiba ng Guadalupe Police sina Richard Paguducon at Derril Bulat-ag sa magkahiwalay na buy-bust operation na nagresulta sa pagkakakumpiska sa mahigit P7-milyon droga.

Sa buy-bust ng pulisya laban kay Paguducon, nagbenta ang huli ng P20,000 halaga ng droga sa pulis na poseur buyer, bukod pa sa nakumpiskahan ang suspek ng mahigit 400 gramo ng shabu.

Ikinanta ni Paguducon ang kasabwat niyang si Bulat-ag na agad ding dinakip.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ng dalawang suspek sa mga pulis na sumusunod lang sila sa ipinag-uutos ng isang Cebuano na nakapiit sa Bilibid.

Bagamat hindi muna pinangalanan, sinabi ng pulisya na patuloy na pinangangasiwaan ng Bilibid inmate ang operasyon ng droga sa Cebu kahit pa nakapiit ito.

Kaugnay nito, sinabi ni Guadalupe Police Chief Supt. Jose Gesto na magkakasa sila ng mas marami pang operasyon upang maaresto ang lahat ng courier ng nakapiit na drug lord. (Mars W. Mosqueda, Jr.)