KABILANG ako sa mga nagdiriwang sa pagkakapatibay ng bagong Anti-Carnapping Act of 2016 na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga carnapper o mga nagnanakaw at nang-aagaw ng mga sasakyan.

Nagpapawalang-bisa ito sa Anti-Carnapping Act of 1972 na nagtatadhana ng higit na magaang hatol sa gayong mga kriminal.

Ang bagong batas ay nagtatadhana ng pagkabilanggong mula sa 20 hanggang 30 taon, samantalang ang dating batas ay may hatol na mula 14 na taon at walong buwan hanggang 17 taon at apat na buwang pagkapiit.

Matagal nang dapat binigatan ang parusa sa mga carnapper sapagkat matagal na ring namamayagpag ang naturang mga kriminal na sinasabing pinakikilos din ng mga sindikato na umano’y may proteksiyon ng mga alagad ng batas.

Nakadidismaya na ang pagpapatibay ng bagong batas ay halos dumaan sa butas ng karayom, wika nga. Ibig sabihin, hindi ito kailanman naging bahagi ng priority bills ng nakaraang administrasyon.

Katunayan, ito ay inaksiyunan lamang ng Kongreso nang matatapos na ang panunungkulan ni Presidente Aquino.

Ipinadala ito sa Tanggapan ng Pangulo para sa kangyang lagda upang ito ay maging isang batas; subalit ito ay nanatili roon hanggang sa siya ay umalis sa Malacañang sa kabila ng katotohanan na siya ay may 30 araw upang pirmahan o i-veto ang naturang batas.

Salamat na lamang at itinatadhana ng Konstitusyon na kapag ang isang batas na hindi inaksiyunan ng Pangulo sa loob ng 30 araw, binigyang-diin ng mga mambabatas: The bill will lapse into law. Nangangahulugan na ang nasabing Anti-Carnapping Act of 2016 ay magkakabisa o nagkabisa 15 araw makaraang ito ay malathala sa pahayagan. Ngayon, ang isang carnapper na nahatulan ay mabibilanggo ng hanggang 40 taon at hindi papayagang makapagpiyansa.

Makasarili ang aking paninindigan sa isyung ito sapagkat ako ay naging biktima ng mga buhong na carnapper.

Marso 14, 2000 nang ang ginagamit kong kotse (MSL 111) (pagamit ng Liwayway publishing, kapatid ng Manila Bulletin) ay hindi pinaligtas ng naturang mga kriminal.

Mula noon, kahit anino ng naturang sasakyan ay hindi ko na nasilayan sa kabila ng pagsaklolong ipinangalandakan ng mga alagad ng batas.

Noon, maaaring hanggang ngayon, talamak ang nakawan at pang-aagaw ng sasakyan; talamak din ang sinasabing sabwatan ng mga kriminal at ng mismong mga alagad ng batas.

Dahil dito, makatwiran lamang na lalo pang bigatan ang parusa sa mga carnapper; karumal-dumal ang ginawa nilang krimen na dapat hatulan ng death penalty kung maibabalik ang nasabing parusa. (Celo Lagmay)