Binigo ni Philippine No. 1 Woman International Master (WIM) Janelle Mae Frayna ang unranked ngunit sorpresang co-leader na si K Priyanka ng India upang patatagin ang kampanya sa pinaka-aasam na WGM title matapos ang Round 7 ng World Junior Chess Championships sa KIIT University sa Bhubaneswar, India.

Pinataob ng 19-anyos graduating Psychology student sa Far Eastern University (2292) ang karibal sa 37 sulong ng French Defence upang patuloy na hawakan ang liderato bitbit ang anim na puntos kapantay ang kapwa WIM na si Dinara Dordzhieva ng Russia.

Naiuwi ni Frayna ang ikalima nitong panalo kasama ang dalawang draw sa ika-55th edisyon ng torneo upang lalo pang makalapit sa katuparan ng pangarap sa WGM title.

Tinalo naman ng No.8 na si Dordzhieva (2304) para sa ikaanim din nitong puntos ang seeded No. 5 na si IWM Andrea Paula Rueda Rodriguez (2321) ng Colombia.

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

Nagawa ring magwagi ni 21st seed WFM Shania Mae Mendoza (2191) kontra 35th seed WFM Mariami Choladze ng Georgia upang makatipon ng kabuuang 3½ puntos para makisalo sa ika-24th hanggang 32nd place.

Nakipaghatian sa puntos si International Master Paolo Bersamina (ELO 2402) sa boy’s division kay 8th seed at mas mataas ang rating na si IM Cristobal Villagra Henriquez (2520) ng Chile para makapagtipon ng 3½ puntos at makipag-agawan sa 19th to 40th place sa Swiss System format na may 13 round na torneo. (Angie Oredo)