HUMINGI ng apology si President Rodrigo Roa Duterte kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno (MLS) dahil sa umano’y “maaanghang na salita” na binitawan niya laban kay MLS kaugnay ng sagutan nila sa isyu ng illegal drugs.
“Nais kong humingi ng paumanhin sa Chief Justice dahil sa ‘harsh words’ na hindi ko naman intensiyon,” pahayag ni Duterte sa Davao City.
Sabi nga ng kaibigan kong columnist na si Ramon Tulfo, talagang si Mano Digong ay isang “ladies’ man”. Ang pangulo raw ay isang maginoo (gentleman) kapag ito ay tungkol sa kababaihan. “He’s a ladies’ man in every sense of the word”, dagdag ni Mon na nakasama ko sa defense and military establishments beat noong panahon ng martial law. Hindi ba ganyan din ang trato niya kay VP Leni Robredo na binigyan niya ng puwesto at hinahangaan sa kagandahan? Eh, papaano si Sen. Leila de Lima na babae rin?
Iyon ang kaibahan ni President Rody sa ibang mga lider o pulitiko. Marunong siyang mag-sorry lalo na sa kababaihan. Kung siya ay may pusong-bakal sa ibang mga isyu, tulad ng pagpapalibing sa diktador na si Ferdinand Marcos at pagkansela sa unilateral ceasfire sa CPP-NPA, o pagtawag sa kanyang ex-professor na si Joma Sison bilang “arogante at mayabang”, pusong-mamon naman siya sa mga anak ni Eba.
Hindi ba noong una ay ayaw niyang pansinin si VP Leni at ayaw bigyan ng puwesto sa cabinet dahil ayaw raw niyang saktan ang kaibigang Sen. Bongbong Marcos na natalo sa halalan? Dakong huli, binigyan niya si beautiful Leni ng posisyon bilang hepe ng HUDCC at laging pinupuri bilang “ladylike, beautiful and kind.” Nagsimula ito nang magtalumpati siya sa Camp Aguinaldo at dumalo si VP Robredo na isang silya lang ang kanilang pagitan. Pabiro niyang sinabi na “our beautiful vice president is here” at inalok pa ng buko juice.
Malugod na tinanggap ni CJ Sereno ang apology ni Duterte at doon natapos ang sagutan ng dalawang puno ng magkahiwalay na sangay ng gobyerno—Ehekutibo at Hudikatura. Sa pamamagitan ni SC spokesman Theodore Te, pinasalamatan ni Sereno ang paghingi ng apology ng machong presidente, at doon nagwakas ang kontrobersiya. Sabi nga ni Shakespeare: “All’s well that ends well.”
So, walang magaganap na constitutional crisis, tulad ng ibinulalas ng noon ay emosyonal na pangulo nang lumiham sa kanya ang Punong Mahistrado at pagsabihan ang mga hukom na nasa listahan ni Digong bilang drug coddlers, na huwag sumuko hanggang walang warrant of arrest. Tanging ang SC lang ang may poder na dumisiplina sa kanila. Sa 7 hukom, tatlo na ang wala sa hudikatura at ang nalalabi ay walang ano mang drug case na hawak, ayon sa lady Chief Justice.
Nag-courtesy call si Rio silver medalist Hidilyn Diaz kay President Rody sa Presidential Guest House sa Davao City.
Talagang nakatutuwa si Mano Digong: Habang papalapit si Hidilyn, sinaluduhan niya ito at kinamayan. Binigyan ng presidente si Diaz ng P5 milyon na dinagdagan pa niya ng P2 milyon kung kayat naging P7 milyon ang premyo ng silver medalist. Pag-uwi niya sa Zamboanga City, ginawaran siya ng hero’s welcome at pinagkalooban ng P500,000 ng lokal na pamahalaan. Mabuhay ka, Hidilyn! (Bert de Guzman)