IKA-15 ngayon ng Agosto, Lunes. Balik-trabaho na ang ating mga kababayan sa kani-kanilang mga opisina at kumpanya.

Ngunit, sa liturgical calendar ng Simbahang Katoliko, mahalaga ang ika-15 ng Agosto sapagkat ginugunita at ipinagdiriwang ang Assumption o ang Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria na patroness ng iniibig nating Pilipinas. Sa salitang Assumption hango ang pangalan at apelyidong Asuncion ng maraming Pilipino na ang iba ay nagdiriwang ngayon ng kanilang kaarawan.

Bahagi ng paggunita ng Assumption ni Mama Mary ang pagdaraos ng misa sa umaga at hapon sa lahat ng mga simbahan at parokya sa buong Pilipinas tulad sa mga bayan sa Rizal na sakop ng Diocese ng Antipolo. Ang paggunita at pagdiriwang ng Assumption o Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birhen ay sinimulan pa noong ika-7 siglo. At ayon sa kasaysayan, ang Mahal na Birhen ay nabuhay ng 24 na taon matapos ang pag-akyat sa langit ni Kristo. May nagsasabi naman na namatay ang Mahal na Birhen sa lungsod ng Efeso noong 50 A. D.

Batay sa doktrina ng Simbahang Katoliko na ipinahayag ni Pope Pius Xll noong Nobyembre 1, 1950 na may pamagat na Munificentimus Deus (Bountiful God), ang Mahal na Birheng Maria ay iniakyat sa langit nang katawan at kaluluwa.

Matagal ding pinagtalunan kung siya ay aktuwal na namatay o hindi o basta na lamang iniakyat sa langit.

Ayon naman kay San Alfonso Maria de Ligouri, ang nagtatag ng Kongregasyon ng mga paring Redemptorist o Redentorista (Congregation of the Most Holy Redeemer, CssR), hindi mapapayagan ni Hesus na mabulok ang katawan ng kanyang Ina na nagdala sa kanya sa sinapupunan.

Ang simulain ng Assumption ng Mahal na Birheng Maria ay ang sagot ng Simbahan sa materyalistikong daigdig. Ito’y lubos na nagpapahayag na ang kaganapan ng ating mga kakayahang pangkatawan ay magaganap lamang sa langit na doon matutupad ang pakikipagnilay sa Diyos.

Ang pag-aakyat sa langit ng Mahal na Birhen ay ang sandali ng katuparan ng paglalang—ang unang bunga ng plano ng Diyos sa sangkatauhan, isang balak na kabilang ang sarili nating katauhan, katawan at kaluluwa sa harap ng Dakilang Lumikha.

Bilang Ina ng Diyos, naging manunubos ng lahi ng tao ang Mahal na Birheng Maria. Sa pag-akyat sa langit ni Birheng Maria siya ang unang pumasok na magkasama ang katawan at kaluluwa. Ang huling luwalhati na naghihintay sa katubusan ng sangkatauhan matapos ang pangkalahatang pagkabuhay.

Ang Kalinis-linisang Ina ng Diyos, si Birheng Maria, nang magwakas ang kanyang buhay sa lupa ay iniakyat ang katawan at kaluluwa sa kaluwalhatian ng langit. Nangangahulugan ito na ang Banal na si Maria ay nagkaroon ng bahagi sa tagumpay sa kamatayan ng kanyang anak na si Kristo. (Clemen Bautista)