NAKAKAGULAT ang impormasyong nakalap ko sa paglibot sa mga matataong lugar sa Metro Manila nitong nakaraang araw – ang mga “street crimes” gaya ng “namimitas” (snatching), “tutok-kalawit” (hold-up) at “salisi” (robbery) ay tumataas umano ang bilang samantalang halos magrehistro naman na “bokya” ang bentahan ng ipinagbabawal na gamot.

Naglibot ako matapos na sumusuko ang ilan sa mga inakusahang pusher at protektor ng ilegal na droga kabilang ang dalawang mayor na galing pa sa Mindanao na kapwa umaming sa Metro Manila sila nagtutulak ng droga, partikular na sa Quiapo, Caloocan, Quezon City, at Pasay.

Inikutan ko ang mga lugar na ito para pulsuhan ang epekto nang pagsuko ng mga umaming tulak ng droga rito at masaya na sana ako sa nakuhang sagot sa nakausap kong mga pulis, bendor, at ilang mga pasaherong sumasakay at bumababa sa lugar. Halos magkakapareho nilang sinabi na halos wala na raw ang mga pakalat-kalat na bangag sa droga na kinatatakutan ng mga taong paruo’t parito sa kanilang lugar.

Pero nang magkomento naman ako na “malaki na ang nabawas sa kriminalidad sa kanilang lugar” sa pagkawala ng mga adik, halos iisa rin ang kanilang reaksyon – parang napansin daw nila na may mga sunud-sunod na “pamimitas” at “tutok-kalawit” at mangilan-ngilang biktima ng “salisi” sa loob ng mga kainan at maging ang ilang bendor ay nabibiktima rin sa mismong puwesto pa nila.

Kinumpirma naman ito ng ilang de-mesa sa mga istasyon ng pulis sa lugar bagama’t sinasabi nilang di pa naman ito nakakabahala dahil mababang porsiyento pa lamang. Agad naman itong kinontra ng ilang tagaroon na sa pagsasabing: “mas maraming biktima kasi ang hindi naman nagpupunta sa presinto para magpa-blotter dahil nagmamadali at ayaw nang maistorbo.”

Paliwanag sa akin ng isa kong kaibigang opisyal sa Camp Crame, karamihan daw kasi ng mga batang “hamog” (mga pakalat-kalat na bata o teenager sa mga lansangan) noon ang responsable sa mga naitalang “street crimes” pero bumaba raw ito ng mawala silang bigla sa mga kalsada dahil na-recruit silang maging mga runner ng pusher sa kanilang lugar at kumita ng medyo malaki.

Pero ngayong may “GIYERA LABAN SA DROGA” maraming pusher na handler ng mga batang hamog ang natumba, dahil nawalan ng handler at pagkakakitaan napilitang sumuko para ma-rehabilitate. Ang problema, wala pang malinaw na programa ang pamahalaan para sa mga kagaya nila kaya’t balik-lansangan na naman sila para doon maghanap ng pagkakakitaan.

Mag-text at tumawag sa: 0936-9953459 o kaya’y mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)