Binokya ng San Beda at College of St. Benilde ang karibal na San Sebastian at University of Perpetual Help, ayon sa pagkakasunod upang makatabla sa pamumuno matapos ang ikalawang round sa pagpapatuloy ng 92nd NCAA seniors chess competition sa Jose Rizal University gym sa Mandaluyong City.

Nagsipagwagi para sa Red Lions sina Mari Joseph Turqueza, Alcon John Datu, McDominique Lagula at Dave Patrick Dulay, habang nagpanalo naman sa Blazers sina Nelson Busa, Jr., Daryl Unix Samantila, Prince Kenneth Reyes, at Charles Daniel Abuzo.

Kapwa nakatipon ang dalawang koponan ng kabuuang 7.5 puntos upang magkasalo sa liderato.

Tinalo naman ng defending back-to-back champion Arellano ang last year’s second placer Lyceum of the Philippines, 2.5-1.5, para makatipon ng 6.5 puntos sa pagpapatuloy ng torneo na pinangangasiwaan ng host JRU sa pamumuno ni Management Committee member at JRU athletic director Paul Supan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Dahil sa kabiguan, bumaba naman sa ikaapat na puwesto ang Pirates na may 5.5 puntos kapantay ng Letran na nagwagi kontra JRU ,2.5-1.5.

Sa juniors’ division, nagwagi ang Letran Squires kontra Jose Rizal Light Bombers 3-1, para manatiling lider sa natipong 7 puntos kasunod ang San Beda na nagwagi sa San Sebastian, 3-1, para sa ikalawang puwesto na may 6.5 puntos.

(Marivic Awitan)