INALMAHAN ni Chief Justice (CJ) Maria Lourdes Sereno ng Korte Suprema ang pagsama ni Pangulong Digong sa mga hukom sa drug list sa pagpapatuloy ng kanyang “shame campaign”. Pito ang pinangalanan niyang hukom sa mahaba niyang listahan na kanyang binasa sa kanyang talumpating isinahimpapawid sa telebisyon sa buong kapuluan. Sa liham na ipinadala ni CJ sa Pangulo, sinabihan niya ito na ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang magdisiplina ng mga hukom.

Pinaalalahanan niya ito ukol sa separation of powers na itinatadhana ng Saligang Batas. Nakakaduda rin aniya ang intelligence report na ginamit ng Pangulo na nagsasangkot sa mga pinangalanan niyang mga hukom. Patay na raw iyong isa, sinibak na sa serbisyo iyong isa pa at nagretiro na iyong iba o kaya walang gaanong kinalaman sa droga.

“Mahalaga sa pagsunod sa Konstitusyon,” sambit ni CJ, ”kung bibigyan ang Korte Suprema ng pagkakataong madisiplina nito ang kasapi ng hudikatura na siyang inaatas ng batas.” Upang maproteksyunan aniya ang papel ng mga hukom na tagapangalaga ng mga karapatang ginagarantiyahan ng Saligang Batas, matigas kung pinaaalalahanan sila na huwag “sumuko” o humarap kahit sinong opisyal ng pulis kung wala silang warrant of arrest. Inilalagay daw sa panganib ng Pangulo ang kanilang buhay bilang collateral damage sa kanyang pakikidigma sa ilegal na droga.

“Binabalaan kita. Huwag kang lumikha ng constitutional crisis dahil aatasan ko ang lahat ng mga nasa ehekutibo na huwag kang igalang,” galit na sinabi ng Pangulo kay CJ bilang reaksyon niya sa liham nito. Huwag daw siyang utusan nito. Kung magpapatuloy daw ito na pinakikialaman siya sa kanyang trabaho at pinahihinto siya baka mag-init lang siya o kaya ideklara ang martial law. Tama si Joma Sison, istilong butangero kung makipagpingkian ng katwiran ang Pangulo.

Ang problema kasi ay isinama ng Pangulo sa isang buslo ang mga hukom nang ihayag niya ang intelligence report ukol sa mga sangkot sa droga. Eh, markado na ang mga ito tulad ng iba na kung hindi mapapatay sa engkuwentro ay magiging biktima ng extra-judicial killing. Eh, kung magpasiya ang mga hukom sa nilitis nilang kaso na walang kaugnayan sa droga at sumama ang loob ng mga natalong partido, madali na sa mga ito na ipa-vigilante sila. Higit na kailangan ng mga hukom ang paggalang sa separation of powers dahil ang hudikatura ay ang “last bulwark of democracy.” Ito ang huling hinihingian ng tulong ng mga naaapi. Kaya, hindi dapat pinahihina ang kredebilidad nito sa pagganap ng kanyang tungkuling maggawad ng katarungan. Ang kapalit kasi nito ay diktadurya. (Ric Valmonte)