BUWAN ng Wikang Pambansa ang mainit, maalinsangan at kung minsan ay maulang Agosto. Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pinangungunahan lagi ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na may inihahandang iba’t ibang gawain na makatutulong sa patuloy na pagpapalaganap ng Filipino.
Maging sa mga pribadong paaralan at pampubliko ay nagkakaroon ng mga programang nagpapahalaga sa wika tulad ng mga timpalak sa pagsulat ng tula, sanaysay at maikling kuwento. Nagdaros din ng timpalak-bigkasan at talumpatian, at cultural presentation.
Sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos (FVR), nagsimula ang pagdiriwang at pagpapahalaga sa wika ay maging isang buwan. Tulak ng pagkamakabayan at pagpapahalaga sa sariling wika, nilagdaan ni FVR ang Executive Order No.1041 noong Hulyo 15, 1997. Nag-aatas na ang Agosto ay Buwan ng Wika at Nasyonalismo.
Kung ang musika ay wika ng kaluluwa na nailalarawan ang iba’t ibang uri ng damdamin sa pamamagitan ng mga awit, himig, at tugtugin, ang wika naman ay kaluluwa ng isang bansa. Hindi lamang ito nagsisilbing paraan ng pakikipagtalastasan o komunikasyon kundi tumatayo rin bilang pangunahing mekanismo na sa pamamagitan ng wika, ang landas sa buhay ng mga mamamayan ng isang bansa ay mapanatili. At bilang isang vital feature, naitatala ng wika ang kasaysayan ng ating lahi, ng iniibig nating Pilipinas, ang mga nangyayari sa pamahalaan at maging sa lipunan. Sa pamamagitan ng mayaman nitong bokabularyo, makikita ang maraming impluwensiyang dayuhan na naging bahagi ng buhay ng mga mamamayan sa paglipas ng mga taon.
Sinasabing ang ideal na gamit ng wika ay may layuning magkaunawaan sa pagkakasundo, pakakaisa, pag-unlad at kagalingang pang-madla at sa pag-unlad ng kultura. Lahat ng wika ay may katutubong yaman. Ang ikinadudukha nito ay ang ‘di pag-aaral at ‘di pagtanggap sapagkat binabalewala at minamaliit ng ilan nating mga kababayan at mga naglilingkod sa pamahalaan na maputla ang pagka-makabayan.
Ang klasikong pahayag ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal sa kanyang tulang “Sa Aking mga Kababata” na ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda. Binibigyang-diin nito ang napakahalagang nagagawa ng wika sa pagkakaunawaan at pagkakaisa ng mamamayan. Masasabing isang pundasyon ng ating kinabukasan at natatanging sangkap ng ating pambansang pagkakakilanlan.