ANGELES CITY, Pampanga – Isang Chinese na pinaniniwalaang miyembro ng sindikatong 14-K, isang transnational drug group na kumikilos sa Pilipinas at sa iba pang bansa sa Asia, ang nadakip ng pinagsanib na mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 3, PDEA-National Capital Region, at Police Regional Office (PRO)- 3 sa pagsalakay sa isang bodega sa Angeles City, nitong Biyernes ng hapon.
Sa report kay PDEA Director General Isidro S. Lapeña, kinilala ni PDEA-NCR Director Wilkins Villanueva ang nadakip na si Yiye Chen, na nakumpiskahan ng P103-milyon halaga ng shabu at isang buwang tinugaygayan ng awtoridad.
Dakong 4:30 ng hapon nang salakayin ng raiding team ang nasabing bodega sa Jasmine Street sa Hensonville Subdivision, Barangay Malabanias sa Angeles City.
Nasamsam sa operasyon ang isang itim na plastic bag na may hinihinalang shabu, dalawang heat-sealed transparent sachet na may brownish substance na hinihinalang shabu, isang orange plastic container na may liquid shabu, isang rectangular plastic container na may brownish substance, at 25 self-sealing plastic bag na naglalaman ng nasa 30 kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P103 milyon.
Nakapiit na ang suspek sa PDEA-NCR sa Quezon City, habang inihahanda ang mga kaso ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) laban sa kanya. - Franco G. Regala