Ni MARTIN SADONGDONG
ISANG jeepney driver na nakaimbento ng balbula na makapipigil sa pagtagas ng brake fluids sa mga sasakyan ang nakasungkit ng top prize sa katatapos na invention contest ng Department of Science and Technology (DOST).
Dahil sa mga naranasang problema sa preno ng minamanehong sasakyan ni Melchor Heñosa, 36, ng Pakil, Laguna, naimbento niya ang tinatawag na “Leaking Sealing Valve for Brake System of Motorized Vehicles” na maaaring makapagligtas ng buhay at mga ari-arian dahil agad itong gumagana sa sandaling may tumulong na brake fluid dahil sa pressure.
“Kapag nag-leak at naubos kasi ang brake fluid, equivalent po ay wala nang pressure ang ating hydraulic so mawawala na po ang ating preno. Itong invention ko, ang trabaho niya ay ma-check automatic ‘yong leak sa unang tagas pa lang,” wika ni Heñosa sa awarding ceremony ng 2016 National Invention Contest and Exhibits (NICE) sa SMX Convention Center sa Pasay City, Hulyo 31.
Ikinakabit ito sa kada fluid line at brake assembly ng sasakyan, at sa pamamagitan ng piston ay naipa-plus ang leak-sealing valve sa cylinder outlet, kaya nagpapatuloy lamang sa paggana ang undamaged wheel brakes.
Kinokontrol ng valve ang front at rear brakes sa kapag aksidenteng nawalan ng preno dahil sa fluid leakage sa pamamagitan ng fluid depletion at kawalan ng pressure sa buong brake system.
“Na-paralyze ‘yong isang preno mo pero apat naman ang gulong ng sasakyan halimbawa so may tatlo pang hindi na-damage kaya p’wede ka pang bumiyahe,” paliwanag ni Heñosa.
Binigyan ng pabuya na P150,000 cash, certificate, plaque, at gold medal si Heñosa ng World Intellectual Property Organization (WIPO) dahil sa pangunguna sa “Tuklas” award. Ang 2016 NICE ay isa sa mga highlight event sa week-long celebration ng National Science and Technology Week (NSTW).
Ipinakikita lamang nito ang kahalagahan ng agham at teknolohiya sa ating buhay, sabi ni DOST Secretary Fortunato dela Peña.
“Science and technology plays an important role in almost every facets of our lives. [….] Inventions that have been developed are making our world a better place to live and have helped discover things we never knew before,” ani dela Peña.
Ang pinagmulan
Inabot ng limang taon ang pagbubuo ni Heñosa sa leak-sealing valve. Isiniwalat niya na ang kanyang imbensiyon ay naisip niya noong 2010, nang sunduin niya ang kanyang pinsan galing Germany. Sinundo niya ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) gamit ang Besta van.
“Habang hinihintay ko ‘yong pinsan ko at nagpapahinga sa loob ng sasakyan, napansin kong nakalitaw ‘yong salinan ng brake fluid,” kuwento ni Heñosa.
“Ngayon, medyo lumaro sa isip ko, kapag tumagas ang brake fluid, delikado. At sa personal kong experience, kamuntikan na akong maaksidente dahil doon. Naisip ko, paano kung maka-create ako ng automatic check valve kapag tumagas?”
Ilang araw pa ang lumipas bago isinakatuparan ni Heñosa ang kanyang naisip. Gumawa siya ng tatlong drawing ng kanyang plano. Ipinakita ni Heñosa, founding president ng kooperatiba sa kanilang barangay, ang kanyang mga guhit sa kanilang treasurer.
“Ang treasurer ko, retired army ‘yon kaya naisip ko na marami siyang pera.” Humiram si Heñosa ng P3,000 sa kanyang treasurer upang gawing kapital.
Pumunta si Heñosa sa Caloocan City upang bumili ng mga materyales na kanyang gagamitin para sa imbensyon. Ibinigay niya ang tatlong guhit ng kanyang imbensyon sa tatlong magkakaibang machine shop, hanggang sa matapos ang mga ito. Gumana ang tatlong prototype nang subukan niya ang mga ito. Natapos ang proyekto noong Mayo 2015.
Pagsubok na naging regalo ng Panginoon
Bago nagbunga ang mga pagsisikap ni Heñosa, ibinahagi ng kanyang ina na si Florentina na ang dumanas ng mga kabiguan, pangmamaliit, at iba pang mga problema ang kanyang anak bago natapos ang imbensyon.
“Katakut-takot na kutya ang inabot niyan galing sa mga kapitbahay. Sinasabi na nababaliw na daw. May nagpapagawa sa kanya para daw sa kariton nila. Masakit sa akin siyempre pero siya, hindi nagpadala sa panlalait,” pahayag ni Florentina sa exclusive interview ng Manila Bulletin.
Hinusgahan si Heñosa dahil ikalawang taon lamang sa high school lamang ang inabot niya, sa Laguna.
“May mga kumukuwestiyon sa kakayahan ko. Ano daw ang alam ko sa pag-iimbento, eh, second year high school lang ang natapos ko? Aminado ako na wala akong gaanong alam sa imbensiyon pero maalam ako sa trouble shooting gawa ng pagiging driver ko,” sabi ni Heñosa.
Sa kabila nito, ang pinakamalaking naging problema niya ay ang kawalan ng perang gugugulin sa kanyang imbensiyon, bukod pa sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
Sinabi ni Heñosa na kinailangan niyang hatiin ang kanyang kita sa pamamasada para sa kanyang imbensiyon at sa pangangailangan ng kanyang asawa, si Nona Nympha, at tatlong anak.
“Ang sabi ko nga, hindi lang ‘yong valve ang inimbento ko. Pati ‘yong budget na ginamit ko, inimbento ko rin,” natatawang sabi ni Heñosa.
Ang pagkakamit niya ng gantimpala ay ‘blessing from God’, ayon kay Heñosa, lalo na at ang kanyang pang-apat na anak ay kinakilangang ilagay sa incubator nang ipanganak na premature. “Siguro talagang nakaya ko dahil sa pagsusumidhi na matapos ko ito dahil umpisa pa lang alam ko na may future itong aking ginagawa,” sabi ni Heñosa.
Ang susunod na hakbang
Bago pa man manalo ng grand prize sa 2016 NICE, sinabi ni Heñosa na mayroon nang mga kumpanya na bumibili ng kanyang leak-sealing valve. Ang produkto ay binubuo ng apat na piraso ng valve, at bawat isa ay nagkakahalaga ng P4,000.
Pinasalamatan ni Heñosa ang DOST-Technology Application and Promotion Institute (TAPI) para sa pagbibigay sa kanya ng financial assistance na P1 milyon upang gumawa ng prototypes.
Sinabi ni TAPI Director Edgar Garcia na handa silang magbigay ng P2 milyon para sa mass production ng imbensiyon sa oras na maisapubliko ito. “We, at the TAPI, are very happy with his accomplishments,” ayon kay Garcia.
Isinalin ni Helen Wong