Tinangayan na nga ng P2 milyong halaga ng payroll, pinaputukan pa sa dibdib at noo ng dalawang holdaper ang isang general foreman na kanilang inabangan at hinoldap sa Sampaloc, Manila, nitong Biyernes ng hapon.

Dead on the spot si Floro Orille, 66, general foreman ng Floro Orille Construction at sub-contractor ng City Gold Construction, at residente ng 56 Agno Extension, Barangay Tatalon, Quezon City.

Sa pagsisiyasat ni SPO2 Jonathan Bautista, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), napag-alaman na dakong 3:45 ng hapon nangyari ang pamamaril sa harapan ng isang bahay sa 713 Earnshaw Street, sa Sampaloc.

Ayon sa anak ng biktima na si Florante, bago nangyari ang krimen ay kagagaling lang ng biktima sa isang bangko at nag-withdraw ng perang pampasweldo sa kanilang mga tauhan na nasa construction site sa Earnshaw Street, sa kanto ng Montana Street sa Sampaloc.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Naglalakad na umano ang kanyang ama sa pinangyarihan nang bigla na lang umano itong lapitan ng mga suspek, lulan ng motorsiklo at kapwa nakasuot ng helmet, at sapilitang inagaw ang dalang bag na naglalaman ng pera.

Tumanggi naman umano ang biktima na ibigay ang bag kaya’t binaril ito ng mga suspek na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Naniniwala umano si Florante na binantayan ng mga suspek at pinag-aralan ang routine ng kanyang ama bago isinagawa ang krimen dahil gawain na umano ng biktima na mag-withdraw ng pampasweldo tuwing Biyernes at nagko-commute lamang kahit may dalang malaking halaga. - Mary Ann Santiago