SAN JOSE CITY, Nueva Ecija - Hindi sukat akalain ng isang dentista na mawawala ang kanyang cell phone sa loob ng sarili niyang klinika matapos niyang papasukin ang isang nagpanggap na pasyente sa Barangay F.E. Marcos sa lungsod na ito, noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Supt. Reynaldo Dela Cruz, hepe ng San Jose City Police, ang biktimang si Dr. Boots Pacacio, 35, dalaga, residente sa nasabing lugar.

Sa salaysay ng biktima, dakong 11:00 ng umaga nang pumasok sa BHP Clinic ang hindi nakilalang lalaki at nagpanggap na magpapalinis at magpapabunot ng ngipin, at nakigamit pa umano ng banyo.

Saglit na lumabas si Pacacio para bumili sa kalapit na tindahan ngunit sa kanyang pagbalik ay nawawala na ang kanyang Samsung S7 mobile phone na iniwan niya sa mesa—at wala na rin ang pasyente.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Makalipas ang ilang oras, nakatanggap ng tawag si Pacacio mula sa isang nagpakilalang Bernie Perez at sinabi nitong isasauli sa kanya ang cell phone at magkita sila sa Magic Mall, ngunit hindi ito sumipot. - Light A. Nolasco