Ni NONOY E. LACSON

ZAMBOANGA CITY – Isinailalim ng pulisya sa surveillance ang tatlong alkalde sa Zamboanga del Norte makaraang paulit-ulit na mapaulat ang pagkakasangkot nila sa ilegal na droga.

Tumanggi si Police Regional Office (PRO)-Zamboanga Peninsula Director Chief Supt. Billy Beltran na pangalanan ang tatlong alkalde hanggang hindi pa sapat ang ebidensiyang nakakalap ng pulisya laban sa mga ito.

Sinabi ni Beltran na isa sa mga alkalde ang binisita ng pulisya kamakailan upang pakiusapan itong sumuko na sa awtoridad upang linisin ang pangalan sa pagkakasangkot sa droga.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon kay Beltran, posibleng sa mga susunod na araw ay sumuko na ang alkalde, kasama ang mga abogado nito at ilang miyembro ng media upang matiyak ang kaligtasan nito.

Sinabi ng pulisya sa alkalde na ang pangalan at mga aktibidad nito ay ibinigay sa kanila ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald Dela Rosa, na galing naman kay Pangulong Duterte.

Ayon kay Beltran, hindi pa nabibisita ng mga pulis ang dalawa pang alkalde dahil kumakalap pa sila ng karagdagang ebidensiya laban sa mga ito.

“We have to gather more evidence before we will visit them and inform them of their activities. As of now, I could not tell you the names of the three mayors yet. But very soon you will know them because the police will report it to you,” sinabi ni Beltran sa table conference sa kanyang tanggapan sa Camp Batalla sa siyudad na ito, kahapon.