Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘shoot-to-kill’ sa 27 local executives na kinabibilangan ng mga alkalde, isang kongresista at police officials na umano’y sangkot sa illegal drug trade.
“Hindi kayo nag-isip kung saan natin ilalagay ang problemang ito? Buti na lang ako ang Presidente. Talagang ipapatay ko kayo. Kita mo ‘yung ginawa mo sa Pilipinas? Tapos patawarin ko?” ani Duterte sa panayam ng mga mamamahayag sa Davao City.
“Kaya my order is to shoot- to-kill kayo. Wala akong pakialam sa human rights. Maniwala ka. I don’t give a shit kung ano sabihin. This war against drugs, nagkaroon tao ng crisis,” dagdag pa nito.
Sinabi ng Pangulo na ang listahan ng mga pulitiko ay na-validate na ng intelligence authorities.
”I will be naming the mayors and one congressman at ‘yung mga police involved...mauna kayo. Mas mauna kayo sa civilian,” ani Duterte, kung saan hindi na umano kailangan pa ang due process.
Binigyang diin ng Pangulo na ginamit ng mga pulitiko ang kanilang posisyon sa gobyerno upang magpayaman, gamit ang droga.
Dahil dito, ipinangako ng Pangulo na sa loob ng anim na taong termino nito ay mananaig ang shoot-to-kill order sa lahat ng masasangkot sa illegal drug trade.
Sa Palasyo, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi labag sa batas ang shoot-to-kill order ng Pangulo.
Sinabi ni Abella na maliwanag ang utos ng Pangulo na kapag lumaban at tumangging magpaaresto sa mga awtoridad ang isang suspek ay kailangan nang dumipensa ang mga awtoridad.
“Kapag nasa delikadong sitwasyon na ang mga pulis na umaaresto, kailangan nang idepensa talaga nila ang kanilang sarili na maari ngang mapatay ang mga suspek. Walang labag sa batas dyan,” ani Abella.
2 mayor sumurender
Kahapon, dalawang alkalde ang sumurender kay Philippine National Police Chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa matapos mabatid na kasama sila sa listahan ng Pangulo.
Nakilala ang mga ito na sina Maguing, Lanao del Sur Mayor Mamaulan Abinal Molok; at dating Marantao, Lanao del Sur Mayor Muhammad Ali Abo Abinal.
“They already decided na magbagong buhay, at tumulong sa problema sa droga. Why run if you can help,” ani Dela Rosa sa Camp Crame.
“Talagang involved sila kaya sila nag-surrender,” dagdag pa nito.
Ang dalawa ay nasangkot umano sa droga noong 2000 hanggang 2002, kung saan ayon kay Dela Rosa, sa Quiapo, Maynila nila ibinebenta ang mga ilegal na droga. (Dagdag na ulat ni Beth Camia)